Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng kahit na sino lang, ni hindi rin ito madaling makamtan ng lahat. Iyon ay dahil maaari lang magmula sa Diyos ang buhay, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lang ang may taglay ng sangkap ng buhay, walang ibang daan ng buhay kung wala ang Diyos Mismo, sa gayon ang Diyos lang ang pinanggagalingan ng buhay, at ang walang hanggang umaagos na bukal ng tubig na nagbibigay-buhay. Simula nang Kanyang likhain ang mundo, marami ang nagawa na ng Diyos ukol sa kasiglahan ng buhay, marami na ang nagawa na nagbibigay ng buhay sa tao, at nagbayad na ng napakalaking halaga upang maaaring makamtan ng tao ang buhay, sapagka’t ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan ang tao ay nabubuhay na mag-uli. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan na kasama ng tao sa lahat ng panahon. Siya na ang puwersang nagpapatakbo sa buhay ng tao, ang batayan ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao matapos ang kapanganakan. Siya ang nagsasanhi upang ang tao ay maipanganak na muli, at tinutulungan siyang mabuhay nang may tapang sa kanyang bawat papel na ginagampanan. Salamat sa Kanyang kapangyarihan, at Kanyang di-mapapatay na puwersa ng buhay, nabuhay na ang tao sa salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi, sa buong panahon kung saan ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay naging pangunahing sandigan sa pag-iral ng tao, kung saan nagbayad na ang Diyos sa halagang walang karaniwang tao ang kailanman ay nakapagbayad. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay kayang manaig sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Ang Kanyang buhay ay walang hanggan, ang Kanyang kapangyarihan ay pambihira, at ang puwersa ng Kanyang buhay ay hindi madaling madaig ng kahit na anong nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay umiiral, at nagniningning ang makinang na liwanag nito, kahit na saang panahon o dako. Ang buhay ng Diyos ay nananatiling di-nagbabago magpakailanman sa buong panahon ng mga kaguluhan sa langit at lupa. Lahat ng bagay ay lumilipas, nguni’t ang buhay ng Diyos ay nananatili pa rin, sapagka’t ang Diyos ay ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay, at ang ugat ng kanilang pag-iral. Ang buhay ng tao ay nanggagaling sa Diyos, ang pag-iral ng kalangitan ay dahil sa Diyos, at ang pag-iral ng mundo ay nagmumula sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang pagiging-kataas-taasan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang humiwalay sa nasasakupan ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, kahit na sino pa sila, lahat ay dapat magpasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, lahat ay dapat mamuhay sa ilalim ng utos ng Diyos, at walang kahit isa ang makatatakas sa Kanyang kontrol.
Marahil, sa ngayon, nais mong tumanggap ng buhay, o marahil nais mong makamtan ang katotohanan. Anupaman ang kalagayan, nais mong hanapin ang Diyos, hanapin ang Diyos na maaari mong maasahan, at kayang magbigay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Kung nais mong makamtan ang buhay na walang hanggan, dapat mo munang maintindihan ang pinanggalingan ng buhay na walang hanggan, at dapat malaman muna kung nasaan ang Diyos. Akin nang nabanggit na ang Diyos lang ang buhay na di-nababago, at ang Diyos lang ang nag-aangkin sa daan ng buhay. Dahil ang Kanyang buhay ay di-nababago, ganoon din ito ay walang hanggan; dahil ang Diyos lang ang daan ng buhay, kaya ang Diyos Mismo ang daan sa buhay na walang hanggan. Dahil dito, dapat maintindihan mo muna kung nasaan ang Diyos, at kung paano makamtan itong daan ng buhay na walang hanggan. Gawin natin ngayon ang pagbabahagi tungkol sa dalawang usapin na ito nang magkabukod.
Kung talagang nais mong makamtan ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masigasig ka sa pagtuklas nito, sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan ang Diyos ngayon? Maaaring isagot mo na ang Diyos ay nakatira sa langit, siyempre—Siya ay hindi titira sa bahay mo, hindi ba? Marahil masasabi mo, ang Diyos ay maliwanag na naninirahan sa lahat ng bagay. O maaari mong masabi na ang Diyos ay naninirahan sa puso ng bawat tao, o na ang Diyos ay nasa espirituwal na daigdig. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman sa mga ito, nguni’t dapat Kong linawin ang paksang ito. Hindi lubos na tamang sabihin na ang Diyos ay naninirahan sa puso ng tao, nguni’t hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sa kadahilanang, sa mga nananalig sa Diyos, may mga taong totoo ang paniniwala at mayroon namang mali ang paniniwala, mayroon ding mga sinasang-ayunan ng Diyos at may mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroon ding mga tao na nagbibigay-lugod sa Kanya at mayroon Siyang mga kinamumuhian, at mayroong mga ginagawa Niyang perpekto at may mga inaalis Niya. At sa gayon sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa puso ng mga ilang tao lang, at ang mga taong ito ay walang-dudang mga tunay na naniniwala sa Diyos, sinasang-ayunan sila ng Diyos, nakalulugod sila sa Kanya, at sila ay ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinapatnubayan ng Diyos. Dahil pinapatnubayan sila ng Diyos, sila ang mga taong nakarinig at nakakita na sa landas ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan. Ang mga tao na huwad ang paniniwala sa Diyos, silang mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, silang mga kinamumuhian ng Diyos, silang mga inaalis ng Diyos—sila ay nauukol na itakwil ng Diyos, nauukol na maiwan na wala ang daan ng buhay, at nauukol na manatiling mangmang sa kung nasaan ang Diyos. Sa kabaligtaran, yaong sa mga puso’y naninirahan ang Diyos ay alam kung nasaan Siya. Sila ang mga taong kung kanino ipinagkaloob ng Diyos ang daan ng buhay na walang hanggan, at sila ang mga sumusunod sa Diyos. Ngayon, alam mo na ba, kung nasaan ang Diyos? Ang Diyos ay parehong nasa puso ng tao at nasa kanyang tabi. Siya ay hindi lang nasa espirituwal na daigdig, at nangingibabaw sa lahat, nguni’t mas higit pa sa lupa kung saan umiiral ang tao. At sa gayon ang pagdating ng mga huling araw ay nagdala na sa mga hakbang ng gawain ng Diyos sa panibagong teritoryo. Ang Diyos ang humahawak ng dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa sansinukob, at Siya ang pangunahing sandigan ng tao sa kanyang puso, at bukod pa rito, Siya ay umiiral kasama ng mga tao. Sa pamamagitan lang nito maihahatid Niya ang daan ng buhay sa sangkatauhan, at maihahatid ang sangkatauhan sa daan ng buhay. Ang Diyos ay dumating na sa lupa, at namumuhay kasama ng mga tao, upang maaaring makamtan ng tao ang daan ng buhay, at sa gayon ang tao ay maaaring umiral. Kasabay nito, pinamumunuan din ng Diyos ang lahat ng bagay sa sansinukob, upang ang mga ito ay maaaring tumulong sa Kanyang pamamahala sa mga tao. At sa gayon, kung kinikilala mo lang ang doktrina na ang Diyos ay nasa langit at nasa puso ng tao, nguni’t hindi mo kinikilala ang katotohanan ng pag-iral ng Diyos sa mga tao, kung gayon hindi mo kailanman makakamtan ang buhay, at hindi mo kailanman makakamtan ang daan ng katotohanan.
Ang Diyos Mismo ay ang buhay, at ang katotohanan, at ang Kanyang buhay at katotohanan ay sabay na umiiral. Silang mga walang kakayahang makamtan ang katotohanan ay di-kailanman makakamtan ang buhay. Kung wala ang patnubay, tulong, at pagtustos ng katotohanan, ang makakamtan mo lang ay mga titik, mga doktrina, at, bukod diyan, kamatayan. Ang buhay ng Diyos ay laging naririyan, at ang Kanyang katotohanan at buhay ay umiiral nang sabay. Kung hindi mo mahahanap ang pinagmulan ng katotohanan, sa gayon hindi mo makakamtan ang pagkain ng buhay; kung hindi mo makakamtan ang panustos ng buhay, sa gayon tiyak na hindi ka talagang magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga imahinasyon at mga pagkaintindi, ang kabuuan ng iyong katawan ay magiging walang iba kundi laman lang, ang iyong umaalingasaw na laman. Alamin mo na ang mga salita ng mga aklat ay hindi itinuturing na buhay, ang mga talaan ng kasaysayan ay hindi maaaring ipagdiwang na katotohanan, at ang mga doktrina ng mga nakalipas na panahon ay hindi maaaring magsilbing paglalarawan ng sinambit ng Diyos sa kasalukuyan. Ang tanging mga inihahayag ng Diyos kapag Siya ay pumaparito sa lupa at namumuhay kasama ng mga tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kapag iyong ginamit ang mga itinalang mga salita na binigkas ng Diyos noong mga sinaunang panahon hanggang sa ngayon, sa gayon isa kang arkeologo, at ang pinakamainam na itawag sa iyo ay isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan. Iyon ay dahil lagi kang naniniwala sa mga bakas ng mga gawain ng Diyos noong unang panahon, pinaniniwalaan lang ang aninong iniwan ng Diyos noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at pinaniniwalaan lang ang mga paraan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong lumipas na panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanan na inihayag ng Diyos ngayon. Sa gayon hindi maipagkakaila na isa kang nangangarap nang gising na lubos na malayo sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pang nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay buhay sa tao, sa gayon tulad ka ng isang walang silbing piraso ng patay na kahoy,[a] dahil ikaw ay masyadong makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng pangangatuwiran!
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito, sapagka’t Siya ay may taglay ng diwa ng Diyos, at may taglay ng disposisyon ng Diyos, at may karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Sila na itinuturing ang sarili nila bilang Cristo, nguni’t hindi kayang gawin ang gawain ng Diyos ay mga manlilinlang. Ang Cristo ay hindi lang ang pagpapakita ng Diyos sa lupa, kundi ang partikular na katawang-tao ring tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa tao. Ang katawang-taong ito ay hindi kayang palitan ng kahit na sinong tao lang, kundi ng isang taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at makapagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at maaaring katawanin nang husto ang Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, yaong mga nagpapanggap na Cristo ay babagsak na lahat, dahil kahit sinasabi nila na sila ang Cristo, wala silang taglay na diwa ng Cristo. Kaya nga sinasabi Ko na ang pagiging-tunay ng Cristo ay hindi kayang tukuyin ng tao, nguni’t ito’y sinasagot at pinagpapasiyahan ng Diyos Mismo. Sa ganitong paraan, kung tunay mong ninanais na alamin ang daan ng buhay, narararapat na kilalanin mo muna na sa pamamagitan ng pagpunta sa lupa na ipinagkakaloob Niya ang daan ng buhay sa tao, at dapat mong kilalanin na sa mga huling araw ay pumaparito Siya sa lupa upang ipagkaloob ang daan ng buhay sa tao. Ito ay hindi ang nakalipas; ito ay nangyayari ngayon.
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ay ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, sa gayon, hindi mo kailanman makukuha ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagka’t ikaw ay kapwa sunud-sunuran at bilanggo ng kasaysayan. Silang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at nakagapos sa kasaysayan ay hindi kailanman makakamtan ang buhay, at hindi kailanman makakamtan ang walang hanggang daan ng buhay. Iyan ay dahil ang mayroon lang sila ay malabong tubig na di-umagos nang libu-libong mga taon, sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa luklukan. Silang mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay magpakailanman, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno. Kung gayon, paano nila makikita ang Diyos? Kung sinusubukan mo lang na panghawakan ang nakaraan, sinusubukan lang na panatilihin ang mga bagay na walang pagbabago, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan at itapon ang kasaysayan, sa gayon hindi ka ba magiging laging salungat sa Diyos? Ang mga hakbang sa gawain ng Diyos ay malawak at makapangyarihan, tulad ng rumaragasang mga alon ng dagat at dumadagundong na mga kulog—nguni’t nakaupo at walang imik kang naghihintay ng pagkawasak, nananatili sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang tao na sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mapatutunayan na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa iyong nanilaw na mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka papatnubayan ng mga ito sa iyong paghahanap ng mga hakbang sa gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa iyong mga kamay ay ang mga titik na magbibigay ng panandaliang ginhawa lang, hindi ang mga katotohanan na kayang magbigay ng buhay. Ang mga kasulatan na iyong nababasa ay ang mga makakapagpayaman lang ng iyong dila, hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga daan na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Ang pagkakaiba bang ito ay hindi nagdudulot sa iyo ng pagbubulay-bulay? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwaga na sumasaloob dito? May kakayahan ka ba na dalhin ang iyong sarili sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung hindi dumating ang Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasayahan ng pamilyang kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, sa gayon, na ihinto mo ang pananaginip, at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon, at kung sino ang tumutupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamtan ang katotohanan, at hindi kailanman makakamtan ang buhay.
Silang mga nagnanais na makamtan ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanan na sinambit ni Cristo ay ang mga pinakahibang na tao sa mundo, at silang mga hindi tumatanggap ng daan ng buhay na inihatid ni Cristo ay mga ligaw sa guni-guni. At sa gayon sinasabi Ko na ang mga tao na hindi tumatanggap sa Cristo ng mga huling araw ay magpakailanmang kamumuhian ng Diyos. Si Cristo ay ang daanan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, na walang sinuman ang makakalampas. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sumunod sa Kanyang paraan. Hindi mo dapat isipin lang ang pagtanggap ng mga pagpapala nang hindi tumatanggap ng katotohanan, o tinatanggap ang tustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya ay maaaring mabigyan ng buhay. Ang Kanyang gawain ay para sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa isang bago, at ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kapag wala kang kakayahang kilalanin Siya, at bagkus ay isinusumpa, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon nakatakda kang masunog magpakailanman, at hindi kailanman makakapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ay ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan na ng Diyos na gumawa sa Kanyang gawain sa lupa. At sa gayon ay sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ng Cristo ng mga huling araw, kung gayon lumalapastangan ka sa Banal na Espiritu. Ang ganti na dapat pagdusahan ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu ay maliwanag sa lahat. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag lumaban ka sa Cristo ng mga huling araw, at ipagkaila Siya, walang sinuman kung gayon ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Bukod pa rito, simula sa araw na ito hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataon upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang iyong sarili, hindi mo kailanman muling makikita ang mukha ng Diyos. Sapagka’t ang iyong kinakalaban ay hindi isang tao, ang iyong itinatakwil ay hindi isang mahinang nilalang, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang iyong ginawa, kundi isang karumal-dumal na krimen. At sa gayon, ipinapayo Ko sa lahat na huwag ilabas ang inyong mga pangil laban sa katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na maipanganak kang muli at makita ang mukha ng Diyos.
Talababa:
a. Isang piraso ng patay na kahoy: isang sawikaing Tsino, nangangahulugang “hindi maaabot ng tulong.”
0コメント