Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos | Isang Seleksyon Mula sa Sampung Sipi ng Salita ng Diyos sa
1. Mula pa nang ang mga tao ay nagsimulang tumahak sa tamang landas ng buhay, nananatiling hindi malinaw sa kanila ang maraming bagay. Sila ay ganap pa ring nalalabuan tungkol sa gawain ng Diyos, at tungkol sa maraming gawain na dapat nilang gawin. Ito ay dahil, sa isang banda, sa pagkalihis ng kanilang karanasan at sa mga limitasyon sa kanilang kakayahang tumanggap; sa kabilang banda, ito ay dahil hindi pa nadala ng gawain ng Diyos ang mga tao sa yugtong ito. Kaya, ang lahat ay hindi maliwanag tungkol sa karamihan ng espirituwal na mga bagay. Hindi lamang na hindi malinaw sa inyo kung ano ang inyong dapat pasukan; mas lalo kayong mangmang tungkol sa gawain ng Diyos. Ito ay mas higit pa kaysa sa simpleng bagay ng mga pagkukulang sa inyo: Ito ay isang malaking kapintasan ng lahat niyaong nasa mundo ng relihiyon. Naririto ang susi kung bakit hindi kilala ng mga tao ang Diyos, kaya’t ang kapintasang ito ay ang pare-parehong depekto ng lahat niyaong naghahanap sa Kanya. Walang isa mang tao ang kailanman ay nakakilala sa Diyos, o kailanman ay nakakita sa Kanyang tunay na mukha. Dahil dito kaya ang gawain ng Diyos ay nagiging kasing-hirap ng paglilipat ng isang bundok o pag-iiga ng dagat. Gaano karaming tao ang nagsakripisyo ng kanilang mga buhay para sa gawain ng Diyos; gaano karami ang napaalis nang dahil sa Kanyang gawain; gaano karami, para sa kapakanan ng Kanyang gawain, ang pinahirapan hanggang kamatayan; gaano karami, yaong ang kanilang mga mata ay napuno ng luha ng pag-ibig para sa Diyos, ang namatay nang di-makatarungan; gaano karami ang nakatagpo ng malupit at di-makataong pag-uusig…? Na ang mga trahedyang ito ay sumapit—hindi ba ang lahat ay dahil sa kakulangan ng kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos? Paanong ang isang tao na hindi kilala ang Diyos ay magkakaroon ng mukha na ihaharap sa Kanya? Paanong ang isang tao na naniniwala sa Diyos datapwa’t umuusig sa Kanya ay magkakaroon ng mukhang ihaharap sa Kanya? Hindi lamang ang mga ito mga kakulangan niyaong mga nasa loob ng mundo ng relihiyon, bagkus ay parehong nasa inyo at nasa kanila. Naniniwala ang mga tao sa Diyos nang hindi Siya nakikilala; ito lamang ang dahilan kung bakit hindi nila iginagalang ang Diyos sa kanilang mga puso, at hindi Siya kinatatakutan sa kanilang mga puso. May mga tao pa nga na, kasama ang magarbong pagpapasikat, ay gumagawa ng gawain na kanilang nakikita sa kanilang mga sarili sa loob ng daloy na ito, at sumusulong sa paggawa ng gawain ng Diyos ayon sa kanilang sariling mga hinihingi at labis-labis na mga ninanasa. Maraming tao ang kumikilos nang magaspang, walang pagpapahalaga sa Diyos bagkus ay sinusunod ang kanilang sariling kalooban. Hindi ba ang mga ito ay perpektong pagsasakatawan ng makasariling mga puso ng mga tao? Hindi ba nito inihahayag ang sobrang masaganang elemento ng panlilinlang na taglay ng mga tao? Tunay ngang ang mga tao ay maaaring napakatalino, nguni’t paanong maaaring halinhinan ng kanilang mga kaloob ang gawain ng Diyos? Maaari ngang tunay na nagmamalasakit ang mga tao sa pasanin ng Diyos, nguni’t hindi sila maaaring kumilos nang masyadong makasarili. Talaga bang ang mga gawa ng mga tao ay tunay na banal? Maaari bang ang sinuman ay maging siguradong positibo? Upang sumaksi sa Diyos, upang magmana ng Kanyang kaluwalhatian—ito ay ang pagpapahintulot ng Diyos at pag-aangat sa mga tao; paano sila magiging karapat-dapat? Kasisimula pa lamang ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga salita ay nagsisimula pa lamang na mabigkas. Sa puntong ito, maganda ang pakiramdam ng mga tao sa kanilang mga sarili; hindi ba ito ay isang bagay na magsasanhi ng kahihiyan? Hindi nila masyadong naiintindihan. Kahit na ang pinakalikas-na-matalinong teoretisyan, ang pinaka-matatas na mananalumpati, ay hindi makakapaglarawan ng lahat ng kasaganaan ng Diyos—mas lalo pa kaya kayo? Pinakamabuti na huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang mas mataas pa kaysa langit, bagkus ay tingnan ang inyong mga sarili na mas mababa pa kaysa sa pinakamababa sa matitinong mga tao na naghahanap na mahalin ang Diyos. Ito ang landas kung saan kayo ay papasok: ang makita ang inyong mga sarili na mas maikli ng isang dangkal kaysa sa iba. Bakit ipinapalagay ang inyong mga sarili na napakataas? Bakit ninyo totoong pinahahalagahan nang ganoong kataas ang inyong mga sarili? Sa mahabang lakbayin ng buhay, kasisimula pa lamang ninyong humakbang nang kaunti. Braso lamang ng Diyos ang nakikita ninyo, hindi ang kabuuan ng Diyos. Marapat lamang na makita ninyo ang mas marami pang gawain ng Diyos, upang matuklasan ninyo nang higit pa ang kung ano ang dapat ninyong pasukin, dahil kakaunti ang inyong ipinagbago.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
2. Sa paghubog sa tao[1] at pagbabago ng kanyang disposisyon, hindi tumitigil kailanman ang gawain ng Diyos, sapagka’t sila ay nagkukulang sa masyadong maraming paraan at nagkukulang nang labis sa mga pamantayang itinakda Niya. Kaya’t masasabi, sa mga mata ng Diyos, na magiging mga bagong panganak na sanggol kayo magpakailanman, nagtataglay ng napakakaunti sa mga sangkap na nakapagpapalugod sa Kanya, dahil kayo ay walang iba kundi mga nilikha sa mga kamay ng Diyos. Kung ang isa ay nahuhulog tungo sa pagiging kampante, hindi ba siya kasusuklaman ng Diyos? Ang sabihing nakakaya ninyong bigyang-kaluguran ang Diyos ngayon ay para sabihing mula sa limitadong perspektibo ng inyong laman; kung talagang maihahambing kayo laban sa Diyos, palagi kayong matatalo magpakailanman sa larangan. Ang laman ng tao kailanman ay hindi nakaranas kahit minsan ng tagumpay. Sa pamamagitan lamang ng gawain ng Banal na Espiritu na posible para sa tao na magkaroon ng mga katangiang nakapagtutubos. Sa katotohanan, sa lahat ng napakaraming bagay sa sangnilikha ng Diyos, pinakamababa ang tao. Kahit na siya ang panginoon ng lahat ng bagay, nag-iisa ang tao sa gitna ng mga iyon na napapasailalim sa panlalansi ni Satanas, ang nag-iisang biktima sa walang-katapusang mga paraan tungo sa pagtitiwali nito. Ang tao kailanman ay hindi nagkaroon ng kapangyarihan sa sarili niya. Karamihan sa mga tao ay nakatira sa mabahong lugar ni Satanas, at nagdurusa sa pang-uuyam nito; sila’y tinutukso nito sa ganitong paraan at ganoon hanggang sila ay maging agaw-buhay, nagtitiis sa bawat pabagu-bagong takbo ng buhay, sa bawat paghihirap sa mundo ng tao. Matapos silang paglaruan, tinatapos na ni Satanas ang kanilang tadhana. Kaya’t ginugugol ng mga tao ang kanilang buong buhay sa kalituhan, hindi nila kailanman natatamasa ang magagandang bagay na naihanda ng Diyos para sa kanila, bagkus ay nasisira ni Satanas at naiiwang gula-gulanit. Ngayon sila ay naging napakahina at walang-sigla kaya’t wala nang ganang pansinin man lamang ang gawain ng Diyos. Kung ang mga tao ay walang ganang pansinin ang gawain ng Diyos, ang kanilang pagdaranas ay magpakailanmang mananatiling pira-piraso at hindi-buo, at ang kanilang pagpasok ay magpakailanmang magiging walang laman. Sa loob ng ilang libong taon simula nang pumarito sa daigdig ang Diyos, ang anumang bilang ng mga tao na may matayog na mga simulain ay ginamit ng Diyos upang gawin para sa Kanya sa anumang bilang ng mga taon; nguni’t yaong may alam sa Kanyang gawain ay napakakaunti na halos ay wala. Dahil dito, hindi mabilang na mga tao ang lumalaban sa Diyos kasabay ng ginagawa nila para sa Kanya, sapagka’t, sa halip na gawin ang Kanyang gawain, sila’y aktwal na gumagawa ng gawain ng tao sa posisyong ipinagkaloob ng Diyos. Maaari ba itong tawaging gawain? Paano sila makakapasok sa loob? Kinuha ng sangkatauhan ang biyaya ng Diyos at ito ay inilibing. Dahil dito, sa loob ng mga nakaraang henerasyon yaong mga gumagawa ng Kanyang gawain ay nakapasok lamang nang bahagya. Sila ay hindi man lamang nagsasalita tungkol sa pagkaalam sa gawain ng Diyos, dahil masyadong kakaunti ang kanilang nauunawaan sa karunungan ng Diyos. Maaaring masabi na, bagaman maraming naglilingkod sa Diyos, nabigo silang makita kung gaano Siya kadakila, at ito ang dahilan kaya nagkunwari silang Diyos para sambahin sila ng iba.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
3. Kapag binabanggit ang gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay ang tumakbo paroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng lugar, at gumugol para sa Diyos. Bagaman ang paniniwalang ito ay tama, ito ay masyadong nakakiling sa isang panig lamang; ang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi lamang maglakbay paroo’t parito para sa Diyos; ito ay higit na ang ministeryo at pagtutustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatirang lalaki at babae ang hindi kailanman nakapag-isip na tungkol sa paggawa para sa Diyos kahit matapos ang napakaraming taon ng karanasan, sapagkat ang gawain ayon sa pagkaintindi ng tao ay hindi katugma niyaong hinihingi ng Diyos. Samakatuwid, ang tao ay walang anumang interes patungkol sa gawain, at ito ang talagang dahilan kung bakit ang pagpasok ng tao ay masyadong nakakiling din sa isang panig. Lahat kayo ay dapat magsimulang pumasok sa pamamagitan ng paggawa para sa Diyos, nang sa gayon maaari ninyong mas mainam na maranasan ang lahat ng aspeto nito. Ito ang dapat ninyong pasukan. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagtakbo paroo’t parito para sa Diyos; tumutukoy ito sa kung ang buhay ng tao at kung ano ang isinasabuhay ng tao ay para matamasa ng Diyos. Tumutukoy ang gawain sa paggamit ng tao ng katapatang mayroon sila sa Diyos at sa kaalamang mayroon sila tungkol sa Diyos upang magpatotoo sa Diyos at magministeryo sa tao. Ito ang responsibilidad ng tao at kung ano ang dapat mapagtanto ng lahat ng tao. Sa ibang salita, ang inyong pagpasok ay ang inyong gawain; humahanap kayong makapasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Hindi lamang sa pagkakaroon ng kakayahang kumain at uminom ng Kanyang salita nararanasan ang Diyos; ang mas mahalaga, makaya ninyo dapat na magpatotoo sa Diyos, maglingkod sa Diyos, at magministeryo at magtustos sa tao. Ito ang gawain, at ang inyo ring pagpasok; ito ang dapat tuparin ng bawat tao. Marami ang nakatuon lamang sa paglalakbay paroo’t parito para sa Diyos, at nangangaral sa lahat ng dako, nguni’t hindi binibigyang-pansin ang kanilang personal na karanasan at pinababayaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang sanhi kung bakit yaong mga naglilingkod sa Diyos ay nagiging yaong mga lumalaban sa Diyos. Sa loob ng napakaraming taon, naituring na lamang niyaong mga naglilingkod sa Diyos at nagmiministeryo sa tao ang paggawa at pangangaral bilang pagpasok, at walang nagturing na sa kanilang sariling espirituwal na karanasan bilang isang mahalagang pagpasok. Sa halip, pinupuhunan nila ang kaliwanagan ng gawain ng Banal na Espiritu upang magturo sa iba. Kapag nangangaral, lubha silang nabibigatan at tinatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan nito nailalabas nila ang tinig ng Banal na Espiritu. Sa sandaling iyon, kayabangan at pagkalugod sa sarili ang nararamdaman ng mga gumagawa, na para bang ang gawain ng Banal na Espiritu ay kanilang sariling espirituwal na karanasan; pakiramdam nila na ang lahat ng salitang kanilang sinasambit sa sandaling iyon ay kanilang sariling pagkatao, at saka para bang ang kanilang sariling karanasan ay hindi kasinlinaw ng kanilang nailarawan. Bukod dito, wala silang malay kung ano ang sasabihin bago magsalita, pero kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, mayroon silang walang-tigil at tuloy-tuloy na daloy ng mga salita. Matapos mong minsang makapangaral sa ganoong paraan, pakiramdam mo ang iyong aktwal na katayuan ay hindi kasinliit ng iyong inakala. Pagkatapos ng maraming beses na gumawa sa iyo sa katulad na paraan ang Banal na Espiritu, saka mo nalaman na ikaw ay mayroon nang katayuan at nagkamali sa paniniwala na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang iyong sariling pagpasok at pagkatao. Kapag palagi mong nararanasan ito, nagiging pabaya ka tungkol sa iyong sariling pagpasok. Sa gayon ay hindi mo napapansin na ikaw ay nagiging tamad, at hindi nagpapahalaga kahit kaunti sa iyong sariling pagpasok. Samakatuwid, kapag ikaw ay naglilingkod sa iba, dapat malinaw sa iyo ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong katayuan at ng gawain ng Banal na Espiritu. Mas mapapadali nito ang iyong pagpasok at mas kapaki-pakinabang para sa iyong karanasan. Ang pagtuturing ng tao sa gawain ng Banal na Espiritu bilang kanilang sariling karanasan ay ang simula ng pagkabulok ng tao. Kaya, anumang tungkulin ang inyong ginagampanan, dapat ninyong ituring ang inyong pagpasok bilang isang susing aral.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
4. Gumagawa ang isa upang tuparin ang kalooban ng Diyos, upang dalhin ang lahat niyaong kaayon ng puso ng Diyos sa harap Niya, upang dalhin ang tao sa Diyos, at upang ipakilala ang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos sa tao, at dahil doon ginagawang perpekto ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Sa kadahilanang ito, mahalagang matarok ninyo ang substansya ng paggawa. Bilang isa na ginamit ng Diyos, lahat ng tao ay karapat-dapat sa paggawa para sa Diyos, iyon ay, mayroong pagkakataon ang lahat upang magamit ng Banal na Espiritu. Subali’t, may isang punto na dapat ninyong mapagtanto: Kapag ginagawa ng tao ang gawain ng Diyos, may pagkakataon ang tao na magamit ng Diyos, nguni’t ang sinasabi at nalalaman ng tao ay hindi ang buong katayuan ng tao. Mas makikilala lamang ninyo ang inyong mga pagkukulang sa inyong gawain, at tumanggap ng higit na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, sa gayon ay pinahihintulutan kayong mas mahusay na makapasok sa inyong gawain. Kung itinuturing ng tao ang patnubay mula sa Diyos bilang sariling pagpasok ng tao at kung ano ang likas sa loob ng tao, walang potensyal na lumago ang katayuan ng tao. Nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao kapag sila ay nasa karaniwang kalagayan; sa gayong mga pagkakataon, madalas napapagkamalian ng tao ang kaliwanagan na kanilang natatanggap bilang kanilang sariling katayuan sa realidad, sapagka’t nililiwanagan ng Banal na Espiritu sa pinaka-karaniwang paraan: sa pamamagitan ng paggamit ng kung ano ang likas sa loob ng tao. Kapag ang tao ay gumagawa at nagsasalita, o sa panahon ng pananalangin ng tao sa kanyang espirituwal na mga debosyon, isang katotohanan ang biglang magiging malinaw sa kanila. Sa katunayan, gayunpaman, ang nakikita ng tao ay kaliwanagan lamang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (natural, ito ay kaugnay ng pakikipagtulungan mula sa tao) at hindi ang totoong katayuan ng tao. Pagkatapos ng isang panahon ng karanasan na kung saan ang tao ay nakatatagpo ng iba’t ibang tunay na mga kahirapan, ang tunay na katayuan ng tao ay lumilitaw sa ilalim ng ganoong mga pangyayari. Sa oras lamang na iyon natutuklasan ng tao na ang katayuan ng tao ay hindi ganoon kalaki, at ang pagka-makasarili, personal na mga pagsasaalang-alang, at kasakiman ng tao ay lumalabas lahat. Pagkatapos lamang ng ilang ulit ng naturang karanasan matatanto niyaong mga nagkaroon ng kamalayan sa loob ng kanilang mga espiritu na hindi ito kanilang sariling realidad sa nakaraan, kundi isang panandaliang pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at nakatanggap lamang ang tao ng liwanag. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao upang maunawaan ang katotohanan, ito ay madalas na sa isang malinaw at natatanging paraan, na walang konteksto. Iyon ay, hindi Niya isinasama ang mga paghihirap ng tao sa pagbubunyag na ito, at sa halip direktang ibinubunyag ang katotohanan. Kapag ang tao ay nakatatagpo ng mga paghihirap sa pagpasok, saka isinasama ng tao ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ito ang nagiging aktwal na karanasan ng tao. … Samakatuwid, kapag tinatanggap ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, kasabay nito ay dapat ninyong higit na tutukan ang inyong pagpasok, tinitingnan kung ano talaga ang gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang inyong pagpasok, gayundin ay isinasama ang gawain ng Banal na Espiritu sa inyong pagpasok, upang higit kayong maaaring gawing perpekto sa pamamagitan Niya at hayaan ang substansya ng gawain ng Banal na Espiritu na mailakip sa inyo. Sa panahon ng inyong karanasan sa gawain ng Banal na Espiritu, nakikilala ninyo ang Banal na Espiritu, pati na rin ang inyong mga sarili, at sa gitna ng maraming matitinding sandali ng paghihirap, nagkakaroon kayo ng isang karaniwang relasyon sa Diyos, at ang ugnayan sa pagitan ninyo at ng Diyos ay nagiging mas malapit araw-araw. Matapos ang hindi mabilang na mga pagkakataon ng pagtatabas at pagpipino, nabubuo sa inyo ang isang tunay na pag-ibig para sa Diyos. Kaya dapat ninyong mapagtanto na ang pagdurusa, pananakit, at mga kapighatian ay hindi nakakatakot; ang nakakatakot ay ang pagkakaroon lamang ng gawain ng Banal na Espiritu nguni’t hindi ng inyong pagpasok. Kapag dumating ang araw na ang gawain ng Diyos ay tapos na, kayo ay magpapagal nang walang kabuluhan; bagaman inyong naranasan ang gawain ng Diyos, hindi ninyo makikilala ang Banal na Espiritu o nagkaroon nang inyong sariling pagpasok. Ang kaliwanagan sa tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay hindi upang panatilihin ang rubdob ng tao; ito ay upang magbukas ng daan para sa pagpasok ng tao, gayundin ay upang tulutan ang tao na makilala ang Banal na Espiritu, at mula riyan ay nabubuo ang isang puso na may paggalang at pagsamba sa Diyos.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
5. Malaki ang naipagkatiwala ng Diyos sa mga tao at napatungkulan din ang kanilang pagpasok sa di-mabilang na mga paraan. Nguni’t dahil ang kakayahan ng mga tao ay lubhang mahina, marami sa mga salita ng Diyos ang nabigong mag-ugat. Sari-sari ang dahilan ng mahinang kalibreng ito, tulad ng katiwalian sa kaisipan ng tao at moralidad, kakulangan ng tamang pagpapalaki; pyudal na mga pamahiin na lubhang nakahawak sa puso ng tao; ubod-nang-samâ at bulok na mga uri ng pamumuhay na nagbunga ng maraming kasamaan sa pinakamalalim na sulok ng puso ng tao; mababaw na pagtarok sa pangkulturang kaalaman, kung saan halos siyamnapu’t walong porsiyento ng mga tao ang kulang ng edukasyon sa pangkulturang kaalaman at, higit pa rito, iilan lamang ang nakatatanggap ng mas mataas na antas ng edukasyong pangkultura. Kung gayon, ang mga tao sa pangunahin ay walang ideya kung ano ang kahulugan ng Diyos o ng Espiritu, kundi mayroon lamang isang malabo at hindi maliwanag na larawan ng Diyos na nakuha mula sa pyudal na mga pamahiin. Ang mga mapanirang impluwensya sa kalaliman ng puso ng tao na naiwan ng libu-libong taon ng “matayog na diwa ng pagiging makabayan” at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, nang wala ni ga-tuldok na kalayaan, walang paninindigang maghangad o magtiyaga, walang pagnanais na umunlad, sa halip ay nananatiling walang-pagkilos at paúróng, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at kaya ang obhetibong mga salik na ito ay nagbahagi ng isang di-mabuburang marumi at pangit na anyo sa pangkaisipang pananaw, mga simulain, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang teroristang mundo ng kadiliman, na walang sinuman sa kanila ang naglalayong pangibabawan, at walang sinuman sa kanila ang nag-iisip na sumulong sa isang mundong uliran; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, ang gugulin ang kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, nagsusumikap, nagpapapawis, nagtatrabaho, nangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na isinasabuhay ang kanilang mga buhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang mga oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang buhay na perpekto, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa katanyagan at kapalaran, at sa pang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang kahit kailan ay naghanap sa kalooban ng Diyos? Mayroon bang sinuman na kahit kailan ay pumansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng pagkatao na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao mula noon, kaya lubos na mahirap isakatuparan ang gawain ng Diyos, at mas lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
6. Sa panahon ng pagpasok ng tao, ang buhay ay palaging nakakabagot, puno ng mga walang-pagbabagong elemento ng espirituwal na buhay, katulad ng kaunting pananalangin, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, o pagbuo ng mga pagtitipon, kaya’t palaging nadarama ng mga tao na ang paniniwala sa Diyos ay hindi nagdudulot ng malaking kasiyahan. Ang gayong mga espirituwal na gawain ay laging isinasakatuparan batay sa orihinal na disposisyon ng sangkatauhan, na natiwali na ni Satanas. Bagaman paminsan-minsan ay nakakatanggap ang mga tao ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ang kanilang orihinal na pag-iisip, disposisyon, paraan ng pamumuhay at mga kaugalian ay nag-uugat pa rin sa kaloob-looban, kaya’t ang kanilang kalikasan ay nananatiling di-nagbabago. Ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat ay ang mga mapamahiing gawain ng mga tao, nguni’t maraming tao pa rin ang hindi kayang bitawan ang mga iyon, iniisip na ang mga mapamahiing gawaing ito ay iniatas ng Diyos, at kahit ngayon hindi pa lubusang nabibitawan ang mga iyon. Ang mga bagay na kagaya ng isinasaayos ng mga kabataan para sa kapistahan ng kasalan at dote para sa mga babaeng ikakasal; mga regalong pera, mga handaan, at katulad na mga pamamaraan ng pagdiriwang ng masasayang okasyon; mga sinaunang pormula na namana; ang lahat ng walang-kabuluhang mapamahiing gawain na isinasagawa sa ngalan ng mga patay at seremonya ng paglilibing sa kanila, higit pang kinamumuhian ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit ang araw ng pagsamba (pati na ang Sabbath, na sinusunod ng mundo ng relihiyon) ay kinamumuhian ng Diyos; at lalo pang higit na kinamumuhian at tinatanggihan ng Diyos ang kaugnayang panlipunan at makamundong pag-uugnayan sa pagitan ng lalaki at lalaki. Hindi iniatas ng Diyos kahit na ang Pista ng Tagsibol at Araw ng Pasko na kilala ng lahat ng tao, lalo na ang mga laruan at dekorasyon (mga pares-pares, keyk sa Bagong Taon, mga paputok, mga parol, mga regalo sa Pasko, mga salu-salo sa Pasko at Banal na Komunyon) para sa maliligayang araw ng pagdiriwang na ito—hindi ba mga idolo sa isipan ng mga tao ang mga ito? Ang pagpipira-piraso ng tinapay sa araw ng Sabbath, alak, at pinong lino ay lalong higit pang talagang mga idolo. Ang lahat ng iba’t ibang tradisyonal na araw ng kapistahan na kilala sa Tsina, tulad ng “Dragon Heads-raising Day,” ang “Dragon Boat Festival,” “Mid-Autumn Festival,” ang “Laba Festival,” at Araw ng Bagong Taon, at ang mga pista sa mundo ng relihiyon tulad ng Pasko ng Pagkabuhay, Araw ng Pagbibinyag, at Araw ng Pasko, ang lahat ng di-makatwirang pistang ito ay isinaayos at ipinamana mula sa unang panahon hanggang sa kasalukuyan ng maraming tao, at lubos na di-kaayon sa lahi ng tao na nilikha ng Diyos. Ang mayamang imahinasyon at malikhaing pagkaintindi ng sangkatauhan ang nagsanhi sa mga ito na maipasa hanggang sa ngayon. Ang mga iyon ay tila walang kapintasan, nguni’t sa katunayan ay mga panlilinlang ni Satanas sa sangkatauhan. Habang mas higit na pinagtitipunan ng mga Satanas ang isang lokasyon, at mas lipas at paurong ang lugar na iyon, ay mas malala ang mga pyudal na kaugalian. Ang mga bagay na ito ay nagbibigkis sa mga tao nang mahigpit, na hindi na sila makakilos. Tila nagpapakita ng lubhang pagiging orihinal ang marami sa mga pista sa mundo ng relihiyon at tila lumilikha ng isang tulay sa gawain ng Diyos, nguni’t ang mga iyon sa katunayan ay hindi-nakikitang mga tali ni Satanas na gumagapos sa mga tao upang hindi makilala ang Diyos—ang mga iyon ay lahat tusong panlalansi ni Satanas. Sa katunayan, kapag ang isang yugto ng gawain ng Diyos ay tapos na, nawasak na Niya ang mga kasangkapan at estilo ng panahong iyon, na walang naiwang anumang bakas. Gayunman, ang “matatapat na mananampalataya” ay patuloy na sinasamba ang mga nahihipong materyal na mga bagay; samantala isinasantabi nila sa kanilang mga isipan ang kung anong mayroon ang Diyos, hindi na ito pinag-aaralan pa, tila baga puno ng pag-ibig sa Diyos nguni’t ang totoo Siya ay matagal nang itinulak palabas ng bahay at inilagay si Satanas sa hapag upang sambahin. Ang mga larawan ni Jesus, ang Krus, si Maria, ang Bautismo ni Jesus at ang Huling Hapunan—ang lahat ng ito ay iginagalang ng mga tao bilang Panginoon ng Langit, habang paulit-ulit na sumisigaw ng “Diyos Ama.” Hindi ba ang lahat ng ito ay isang biro? Hanggang ngayon, kinapopootan ng Diyos ang maraming katulad na mga pananalita at pagsasagawa na minana ng sangkatauhan, seryosong hinahadlangan ng mga iyon ang daan tungo sa Diyos at, higit pa rito, nagiging malalaking sagabal sa pagpasok ng sangkatauhan. Bukod pa sa lawak ng pagkatiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ang mga kalooban ng mga tao ay lubusang napuno ng mga bagay na gaya ng batas ni Witness Lee, ng mga karanasan ni Lawrence, ng mga sarbey ni Watchman Nee at ng gawain ni Pablo. Wala talagang paraan upang gumawa ang Diyos sa mga tao dahil sa loob nila ay may sobrang pagkamakasarili, mga batas, mga patakaran, mga alituntunin at mga sistema, at mga tulad nito; ang mga bagay na ito, karagdagan sa hilig ng mga tao sa pyudal na mga pamahiin, ay bumihag at lumamon na sa sangkatauhan. Ang iniisip ng mga tao ay mistulang isang kapana-panabik na pelikula na nagsasalaysay ng isang “fairy tale” na makulay, na may hindi kapani-paniwalang mga nilalang na nakasakay sa mga ulap, napakamalikhain kaya namamangha ang mga tao, iniiwan silang tulala at hindi makapagsalita. Sa totoo lang, ang gawain na ginagawa ng Diyos ngayon ay pangunahin upang makitungo at pawiin ang mga mapamahiing katangian ng mga tao at ganap na baguhin ang kanilang pangkaisipang pananaw. Ang gawain ng Diyos ay hindi ang kung ano ang napagpasa-pasahan sa mga henerasyon at napangalagaan hanggang ngayon ng sangkatauhan; ito’y gawain na personal Niyang pinasisimulan at kinukumpleto, hindi kinakailangan na humalili sa pamana ng isang partikular na dakilang espirituwal na tao, o manahin ang anumang gawain ng isang kumakatawang kalikasang ginawa ng Diyos sa ilang iba pang kapanahunan. Hindi kailangang pagkaabalahan ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Ang Diyos ngayon ay may ibang istilo ng pananalita at ng paggawa, kaya bakit ginugulo ng mga tao ang kanilang mga sarili? Kung lalakad ang mga tao sa landas ngayon na nakapaloob sa kasalukuyang agos habang ipinagpapatuloy ang pamana ng kanilang “mga ninuno”, hindi sila makakarating sa kanilang hantungan. Nakakaramdam ang Diyos ng matinding pagkasuklam para sa ganitong partikular na klase ng pag-uugali ng tao, gaya ng pagkapoot Niya sa mga taon, mga buwan at mga araw ng mundo ng tao.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
7. Ang pinakamahusay na paraan upang baguhin ang disposisyon ng tao ay baligtarin yaong mga bahagi sa kaibuturan ng mga puso ng mga tao na pinakamatinding nalason, na nagpapahintulot sa mga tao na magsimulang baguhin ang kanilang pag-iisip at moralidad. Una sa lahat, kailangang malinaw na makita ng mga tao na ang lahat ng seremonyang ito ng relihiyon, mga relihiyosong gawain, mga taon at mga buwan, at mga pista ay kinasusuklaman ng Diyos. Dapat silang lumaya mula sa mga gapos na ito ng pyudal na pag-iisip at wasakin ang bawat bakas ng kanilang malalim na pagkahilig sa pamahiin. Ang lahat ng ito ay kasama sa pagpasok ng sangkatauhan. Dapat ninyong maunawaan kung bakit pinangungunahan ng Diyos ang sangkatauhan palabas sa sekular na mundo, at muli kung bakit Niya inaakay ang sangkatauhan palayo sa mga patakaran at mga alituntunin. Ito ang pintuan kung saan kayo papasok, at kahit na ito ay walang kinalaman sa inyong espirituwal na karanasan, ang mga ito ang pinakamatinding mga bagay na humaharang sa inyong pagpasok, humaharang sa inyong pagkilala sa Diyos. Bumubuo ang mga iyon ng isang lambat na humuhuli sa mga tao. Maraming tao ang sobrang magbasa ng Biblia at kaya pang bigkasin ang maraming sipi sa Biblia mula sa memorya. Sa kanilang pagpasok ngayon, walang malay ang mga tao na ginagamit nila ang Biblia upang sukatin ang gawain ng Diyos na parang ang batayan ng yugtong ito sa gawain ng Diyos ay ang Biblia at ang pinagmulan nito ay ang Biblia. Kapag ang gawain ng Diyos ay alinsunod sa Biblia, matinding sinusuportahan ng tao ang gawain ng Diyos at tumitingin sa Kanya na may panibagong paggalang; kapag ang gawain ng Diyos ay hindi tumutugma sa Biblia, masyadong nababahala ang mga tao na sila ay pinagpapawisan, naghahanap dito ng batayan ng gawain ng Diyos; kung ang gawain ng Diyos ay hindi nabanggit sa Biblia, hindi papansinin ng mga tao ang Diyos. Maaaring masabi na, kaugnay sa gawain ng Diyos sa ngayon, ang karamihan sa mga tao ay maingat na maingat na tumatanggap dito, namimili lamang ng sinusunod, at nadaramang walang pakialam kung ito man ay malaman; at para sa mga bagay ng nakaraan, pinanghahawakan nila ang kalahati at tinatalikdan ang kalahati. Maaari ba itong matawag na pagpasok? Hinahawakan ang mga libro ng iba bilang mga kayamanan, at itinuturing ang mga iyon bilang ginintuang susi sa pasukan ng kaharian, ipinakikita lamang ng mga tao na wala silang interes sa kung ano ang kinakailangan ng Diyos ngayon sa kanila. Higit pa rito, maraming “matatalinong eksperto” ang humahawak sa mga salita ng Diyos sa kanilang kaliwang kamay at sa kanang kamay hawak nila ang “obra maestra” ng iba, na parang nais nilang mahanap ang batayan ng mga salita ng Diyos sa mga obra maestrang ito upang lubos na patunayan na ang mga salita ng Diyos ay tama, at ipinaliliwanag pa nila sa iba ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasama ng mga iyon sa mga obra maestra, na mistula silang nagtatrabaho. Sa katotohanan, maraming “pang-agham na mga mananaliksik” sa gitna ng sangkatauhan ang hindi kailanman tinitingnan nang mataas ang mga pinakabagong tagumpay pang-agham sa kasalukuyan, mga pang-agham na tagumpay na walang nauna (iyon ay, ang gawain ng Diyos, ang mga salita ng Diyos at ang landas sa pagpasok sa buhay), kaya ang lahat ng tao ay “umaasa sa sarili,” “nangangaral” sa maraming lugar nang umaasa sa kanilang galing sa pagsasalita, at ipinagmamarangya “ang magandang pangalan ng Diyos.” Samantala, nasa panganib ang kanilang sariling pagpasok at ang distansya nila mula sa mga kinakailangan ng Diyos ay tila kasinglayo ng paglikha mula sa sandaling ito. Gaano kadaling gawin ang gawain ng Diyos? Tila nakapagpasya na ang mga tao na iwanan ang kalahati ng kanilang mga sarili sa kahapon at dalhin ang kalahati sa kasalukuyan, ihatid ang kalahati kay Satanas at ihandog ang kalahati sa Diyos, na parang ito ang paraan upang gumaan ang kanilang budhi at makaramdam ng kaginhawahan. Lihim na mapanira ang panloob na mundo ng mga tao, takot silang mawala hindi lamang ang bukas kundi pati na rin ang kahapon, takot na takot na parehong masaktan si Satanas at ang Diyos ng ngayon, na tila Siya at datapwa’t hindi rin Siya. Dahil nabigo ang mga tao na linangin nang wasto ang kanilang pag-iisip at moralidad, sila ay kulang na kulang sa pagtalos, at hindi nila basta-basta masasabi kung ang gawain ng kasalukuyan ay sa Diyos ba o hindi. Ito marahil ay dahil ang pyudal at mapamahiing pag-iisip ng mga tao ay masyadong malalim kaya matagal na nilang inilagay ang pamahiin at katotohanan, ang Diyos at mga diyus-diyusan, sa parehong kategorya; wala silang malasakit na alamin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na ito, at tila hindi pa rin nila malaman nang malinaw ang kaibahan kahit na pagkatapos nilang halukayin ang kanilang mga utak. Kaya napatigil na ang mga tao sa kanilang mga landas at hindi na sumusulong. Ang lahat ng problemang ito ay galing sa kakulangan ng mga tao sa tamang uri ng pag-aaral na pang-kaisipan, na nagdudulot ng matitinding paghihirap para sa kanilang pagpasok. Bilang resulta, hindi kailanman nakadarama ng anumang interes ang mga tao sa gawain ng tunay na Diyos, nguni’t patuloy na kumakapit sa[2] gawain ng tao (tulad niyaong mga tinitingnan nila bilang mga dakilang tao) na parang sila ay natatakan na nito. Hindi ba ang mga ito ang pinakabagong mga paksa na dapat pasukin ng sangkatauhan?
—mula sa “Gawain at Pagpasok (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
8. Nagkatawang-tao ang Diyos sa kalakhang-lupain ng Tsina, na ang tawag ng mga kababayan sa Hong Kong at Taiwan ay panloob-na-lupain. Nang dumating ang Diyos mula sa itaas tungo sa lupa, walang sinuman sa langit at lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagka’t ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos sa isang lingid na paraan. Mahabang panahon na Siyang gumagawa at namumuhay sa katawang-tao, datapwa’t walang sinuman ang nakaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakakilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang-hanggang palaisipan. Sa panahong ito ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao ay hindi isang bagay na kahit sino ay may kakayahang mabatid. Gaano man kalaki at kamakapangyarihan ang gawain ng Espiritu, nananatiling palaging kalmado ang Diyos, hindi kailanman ipinagkakanulo ang Sarili Niya. Maaaring sabihin ng isa na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay parang nagaganap sa makalangit na kinasasaklawan. Kahit na ito ay ganap na halata sa lahat ng tao, walang sinuman ang nakakakilala rito. Kapag tinapos ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, magigising ang lahat mula sa kanilang mahabang panaginip at babaligtarin ang kanilang nakaraang saloobin[3]. Natatandaan Ko nang minsang sabihin ng Diyos na, “Ang pagdating sa katawang-tao sa oras na ito ay parang tulad ng pagbagsak sa lungga ng isang tigre.” Ang ibig sabihin nito ay dahil sa ikot na ito ng gawain ng Diyos ay ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao at pagkapanganak sa tinatahanang lugar ng malaking pulang dragon, ang Kanyang pagparito sa lupa sa panahong ito ay may kasama pang mas matitinding panganib. Ang kinakaharap Niya ay mga kutsilyo at mga baril at mga garote; ang kinakaharap Niya ay tukso; ang kinakaharap Niya ay maraming tao na may nakamamatay na mga tingin. Nakikipagsapalaran Siyang mapatay anumang sandali. Dumating nga ang Diyos na may poot. Gayunpaman, dumating Siya upang gawin ang gawain ng pagperpekto, na nangangahulugan na gawin ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain na nagpapatuloy pagkatapos ng gawain ng pagtubos. Para sa kapakanan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, inilaan ng Diyos ang sukdulang pagpapahalaga at pag-iingat at gumagamit ng bawat maiisip na mga paraan upang maiwasan ang mga pag-atake ng tukso, mapagkumbabang itinatago ang Kanyang sarili at hindi kailanman ipinapasikat ang Kanyang pagkakakilanlan. Sa pagsagip ng tao mula sa krus, kinumpleto lamang ni Jesus ang gawain ng pagtubos; hindi Siya gumagawa ng gawaing pagperpekto. Kaya kalahati lamang ng gawain ng Diyos ang ginagawa, ang pagtatapos ng gawain ng pagtubos ay kalahati lamang ng Kanyang buong plano. Sa pag-uumpisa ng bagong kapanahunan at pagtatapos ng luma, ang Diyos Ama ay nagsimulang pag-isipan ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain at nagsimulang paghandaan ito. Noong nakaraan, maaaring hindi nahulaan ang pagkakatawang-taong ito sa huling mga araw, at sa gayon naglatag ito ng isang pundasyon para higit pang mailihim ang pagdating ngayon ng Diyos sa katawang-tao. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, hindi nalalaman ng sinuman, naparito ang Diyos sa lupa at sinimulan ang Kanyang buhay sa katawang-tao. Hindi alam ng mga tao ang sandaling ito. Siguro lahat sila ay mahimbing na natutulog, marahil maraming nagbabantay na gising ang naghihintay, at marahil marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayunman sa gitna ng lahat nitong maraming tao, wala ni isang nakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos ng tulad nito nang sa gayon mas maayos na maisakatuparan ang Kanyang gawain at makamit ang mas mahusay na mga resulta, at upang maiwasan din ang maraming tukso. Sa pagkagising ng tao sa mahimbing na pagkakaidlip, ang gawain ng Diyos ay matagal nang natapos at Siya’y aalis na, dadalhin sa pagtatapos ang Kanyang buhay nang paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa. Dahil ang gawain ng Diyos ay nangangailangan na ang Diyos ay kumilos at magsalita nang personal, at dahil walang paraan ang tao upang makatulong, tiniis ng Diyos ang matinding sakit upang pumarito sa lupa at gawin Niya Mismo ang gawain. Hindi kayang humalili ng tao para sa gawain ng Diyos. Samakatuwid nakipagsapalaran sa mga panganib ang Diyos ng ilang libong beses na mas matindi kaysa roon sa Kapanahunan ng Biyaya upang bumaba sa kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan upang gawin ang Kanyang sariling gawain, upang ibuhos ang lahat ng Kanyang pag-iisip at pangangalaga sa pagtubos sa grupo ng naghihirap na mga taong ito, pagtubos sa grupong ito ng mga taong nasadlak sa tambak ng basura. Kahit na walang nakakaalam sa pag-iral ng Diyos, hindi nababalisa ang Diyos dahil ito ay malaking kapakinabangan sa gawain ng Diyos. Napakabangis na masama ang bawat isa, kaya paanong matitiis ng kahit na sino ang pag-iral ng Diyos? Iyon ang dahilan kung bakit laging tahimik ang Diyos sa lupa. Kahit gaano kalabis ang kalupitan ng tao, hindi dinidibdib ng Diyos ang alinman dito, kundi patuloy lamang Siya sa paggawa ng kailangang gawain upang matupad ang mas dakilang tagubilin na ibinigay sa Kanya ng Ama sa langit. Sino sa inyo ang nakakakilala ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Sino ang nagpapakita nang higit na pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos Ama kaysa sa ginagawa ng Kanyang Anak? Sino ang may kakayahang maunawaan ang kalooban ng Diyos Ama? Madalas na nababalisa sa langit ang Espiritu ng Diyos Ama, at ang Kanyang Anak sa lupa ay madalas nananalangin para sa kalooban ng Diyos Ama, lubhang nababahala ang Kanyang puso. Mayroon bang kahit sino na nakakaalam ng pag-ibig ng Diyos Ama para sa Kanyang Anak? Mayroon bang kahit sino na nakakaalam kung paano nangungulila ang sinisintang Anak sa Diyos Ama? Nagdadalawang-isip sa pagitan ng langit at lupa, ang dalawa ay patuloy na tinititigan ang isa’t isa mula sa malayo, magkaagapay sa Espiritu. O sangkatauhan! Kailan kayo magiging mapagbigay sa puso ng Diyos? Kailan ninyo mauunawaan ang intensyon ng Diyos? Palaging umaasa ang Ama at Anak sa isa’t isa. Bakit kung gayon dapat Silang maghiwalay, isa sa langit sa itaas at isa sa lupa sa ibaba? Minamahal ng Ama ang Kanyang Anak gaya ng pagmamahal ng Anak sa Kanyang Ama. Bakit kung gayon dapat Siyang maghintay nang may gayong pag-asam at manabik nang may gayong pagkabalisa? Kahit hindi Sila nagkahiwalay nang matagal, mayroon bang kahit sino na nakakaalam na ang Ama ay lubhang nababalisa na nagnanasa sa loob ng maraming araw at gabi at nananabik sa mabilis na pagbalik ng Kanyang minamahal na Anak? Nagmamasid Siya, nakaupo Siya sa katahimikan, naghihintay Siya. Ang lahat ng ito ay para sa mabilis na pagbalik ng Kanyang minamahal na Anak. Kailan kaya Niya muling makakasama ang Anak na naglilibot sa lupa? Kahit na minsang nagsama, magsasama Sila sa walang-hanggan, paano Niya matitiis ang libu-libong araw at gabi ng paghihiwalay, ang isa sa langit sa itaas at ang isa sa lupa sa ibaba? Ang sampu-sampung taon sa lupa ay gaya ng libu-libong taon sa langit. Paanong hindi maaaring mag-alala ang Diyos Ama? Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, nararanasan Niya ang maraming pagbabago ng mundo ng tao kagaya nang nararanasan ng tao. Ang Diyos Mismo ay walang sala, kaya bakit hahayaang magdusa ang Diyos ng parehong sakit gaya ng tao? Hindi nakapagtataka na ang Diyos Ama ay nangungulila nang marubdob sa Kanyang Anak; sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos? Binibigyan ng Diyos ang tao nang sobra; paano magagawa ng tao na bayaran nang sapat ang puso ng Diyos? Datapwa’t ang ibinibigay ng tao sa Diyos ay masyadong maliit; paanong hindi maaaring mag-alala samakatuwid ang Diyos?
—mula sa “Gawain at Pagpasok (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
9. Bihira sa mga tao ang nakakaunawa sa nagpupumilit na puso ng Diyos dahil masyadong mababa ang kakayahan ng mga tao at ang kanilang pandamang espirituwal ay talagang mapurol, at dahil lahat sila ay hindi nakakapansin ni umiintindi kung ano ang ginagawa ng Diyos. Kaya patuloy na nag-aalala ang Diyos sa tao, na parang ang malupit na kalikasan ng tao ay maaaring kumawala anumang sandali. Ito ay higit pang nagpapakita na ang pagdating ng Diyos sa lupa ay may kasamang malalaking tukso. Nguni’t para sa kapakanan ng pagkumpleto sa isang grupo ng mga tao, ang Diyos, puno ng kaluwalhatian, ay nagsabi sa tao ng Kanyang bawat layunin, walang itinatago. Matatag Siyang nagpasya na kumpletuhin ang grupong ito ng mga tao. Samakatuwid, dumating man ang paghihirap o tukso, tumitingin Siya nang palayo at hindi pinapansin ang lahat ng ito. Tahimik lamang Niyang ginagawa ang Kanyang sariling gawain, matatag na naniniwala na isang araw kapag nakamit na ng Diyos ang kaluwalhatian, makikilala ng tao ang Diyos, at naniniwalang kapag nakumpleto na ng Diyos ang tao, lubos niyang mauunawaan ang puso ng Diyos. Sa ngayon maaaring may mga tao na tinutukso ang Diyos o hindi nauunawaan ang Diyos o sinisisi ang Diyos; walang isinasapuso ang Diyos sa mga iyon. Kapag bumaba ang Diyos sa kaluwalhatian, mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay para sa kagalingan ng sangkatauhan, at mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay upang mas mahusay na mabuhay ang sangkatauhan. Ang pagdating ng Diyos ay may kasamang mga tukso, at dumarating din ang Diyos na may kamahalan at poot. Sa panahong iniiwan na ng Diyos ang tao, magkakamit na Siya ng kaluwalhatian, at aalis Siya na punung-puno ng kaluwalhatian at may kagalakan ng pagbabalik. Ang Diyos na gumagawa sa lupa ay hindi isinasapuso ang mga bagay-bagay gaano man Siya tanggihan ng mga tao. Ginagawa lamang Niya ang Kanyang gawain. Ang paglikha ng Diyos sa mundo ay libu-libong taon na ang nakararaan, naparito Siya sa lupa upang gawin ang napakaraming gawain, at ganap Niyang naranasan ang pagtanggi at paninirang-puri ng mundo ng tao. Walang sinuman ang sumasalubong sa pagdating ng Diyos; tinitingnan lamang Siya ng lahat nang may malamig na mata. Sa paglipas ng katumbas nitong ilang libong taong paghihirap, matagal nang panahon na winasak ng pag-uugali ng tao ang puso ng Diyos. Hindi na Niya pinapansin ang paghihimagsik ng mga tao, bagkus ay gumagawa ng isang hiwalay na plano upang mapanibagong-anyo at linisin ang tao. Ang pang-uuyam, ang paninirang-puri, ang pag-uusig, ang kapighatian, ang paghihirap ng pagpapapako sa krus, ang pagbubukod ng tao, at iba pa na naranasan ng Diyos sa katawang-tao—nakalasap nang husto ang Diyos ng mga ito. Lubusang nagdusa sa mga paghihirap ng mundo ng tao ang Diyos sa katawang-tao. Matagal na panahon na ang nakalipas na ang gayong tanawin ay hindi matiis ng Espiritu ng Diyos Ama at sumandig na lamang ang Kanyang ulo at ipinikit ang Kanyang mga mata, naghihintay sa pagbabalik ng Kanyang minamahal na Anak. Ang tanging ninanais Niya ay makinig at sumunod ang lahat ng tao, na makaramdam ng malaking kahihiyan sa harap ng Kanyang katawang-tao, at hindi maghimagsik laban sa Kanya. Ang tanging ninanais Niya ay na ang mga tao ay maniwala na ang Diyos ay umiiral. Matagal na Siyang tumigil sa paghingi ng mas malaking mga kinakailangan sa tao sapagka’t masyadong mataas na halaga ang naibayad ng Diyos, datapwa’t ang tao ay maginhawang nagpapahinga,[4] hindi man lamang isinasapuso ang gawain ng Diyos.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
10. Ngayon alam na ninyong lahat na dinadala ng Diyos ang mga tao patungo sa tamang landas ng buhay, na pinangungunahan Niya ang tao sa susunod na hakbang tungo sa isa pang kapanahunan, na pinangungunahan Niya ang tao upang pangibabawan ang madilim at lumang kapanahunang ito, palabas sa laman, palayo mula sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at sa impluwensiya ni Satanas, nang sa gayon ang bawat isang tao ay maaaring mabuhay sa isang mundo ng kalayaan. Para sa kapakanan ng isang magandang bukas, at upang mas lumakas ang loob ng mga tao sa kanilang mga hakbang bukas, binabalak ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng bagay para sa tao, at upang magkaroon ang tao ng higit na kasiyahan, iniuukol ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga pagsisikap sa katawang-tao sa paghahanda nang pauna sa landas ng tao, pinabibilis ang pagdating ng araw na pinananabikan ng tao. O, na mahalin ninyong lahat ang magandang sandaling ito; hindi madaling gawin ang magtipun-tipon kasama ang Diyos. Bagaman hindi ninyo kailanman Siya nakilala, matagal na kayong kasama Niya. Kung maaari lamang matandaan ng lahat ang magaganda kahit maikling mga araw na ito magpakailanman, at gawin ang mga ito bilang kanilang itinatanging mga pag-aari sa lupa.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (5)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
11. Sa loob ng libu-libong taon, namuhay ang mga Tsino bilang mga alipin, at lubhang nasikil nito ang kanilang mga kaisipan, mga konsepto, buhay, wika, pag-uugali, at mga pagkilos na hindi nag-iwan kahit kaunting kalayaan sa kanila. Nanlupaypay sa loob ng ilang libong taon ng kasaysayan ang mahahalagang tao na nagtataglay ng espiritu at sila’y naging parang mga bangkay na walang espiritu. Marami yaong mga namumuhay sa ilalim ng kutsilyong pangkatay ni Satanas, marami yaong mga nakatira sa mga tahanan na parang mga lungga ng mga hayop, marami yaong mga kumakain ng kagaya ng pagkain ng mga baka o kabayo, at marami yaong mga hindi nagsasabi ng totoo, manhid at magulo sa “daigdig ng mga patay”. Sa hitsura, hindi naiiba ang mga tao sa sinaunang tao, ang kanilang lugar na pahingahan ay tulad ng isang impiyerno, at bilang mga kasama ay nakapaligid sa kanila ang lahat ng uri ng maruruming demonyo at masasamang espiritu. Sa panlabas, ang mga tao ay mukhang nakatataas na mga “hayop”; sa katunayan, namumuhay at naninirahan sila kasama ng maruruming demonyo. Walang sinumang nag-aalaga sa kanila, namumuhay ang mga tao sa loob ng pananambang ni Satanas, nahuli sa mga pagpapagal dito na walang daan ng pagtakas. Sa halip na sabihing nagsasama-sama sila ng kanilang mga minamahal sa maginhawang mga tahanan, namumuhay nang masaya at matagumpay na mga buhay, dapat na sabihin ng isa na ang mga tao ay nakatira sa Hades, nakikitungo sa mga demonyo at nakikisama sa mga diyablo.
—mula sa “Gawain at Pagpasok (5)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
12. Likas na praktikal ang gawain at pagpasok at tumutukoy sa gawain ng Diyos at pagpasok ng tao. Ang ganap na kakulangan ng pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa gawain ng Diyos ay nagdala na ng matitinding paghihirap sa kanyang pagpasok. Hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng maraming tao ang gawain na tinutupad ng Diyos sa mga huling araw o kung bakit nagtitiis ang Diyos ng matinding kahihiyan sa pagparito sa katawang-tao at samahan ang tao sa kaligayahan at kapighatian. Walang alam ang tao sa layunin ng gawain ng Diyos, ni sa layunin ng plano ng Diyos para sa mga huling araw. Sa iba’t ibang kadahilanan, palaging maligamgam at walang katiyakan[5] ang mga tao sa pagpasok na hinihingi ng Diyos, na nagdala na ng matitinding paghihirap sa gawain ng Diyos sa katawang-tao. Lahat ng tao ay tila naging mga balakid at, hanggang sa araw na ito, wala pa rin silang malinaw na pagkaunawa. Kaya mangungusap Ako tungkol sa gawain na ginagawa ng Diyos sa tao, at ang madaliang hangarin ng Diyos, upang lahat kayo ay maging tapat na mga lingkod ng Diyos, gaya ni Job, na mas nanaisin pang mamatay kaysa tanggihan ang Diyos at titiisin ang bawat kahihiyan, at na, tulad ni Pedro, ay mag-aalay ng inyong buong katauhan sa Diyos at maging mga kanííg na nakamit ng Diyos sa mga huling araw. Nawa’y gawin ng lahat ng mga kapatirang lalaki at babae ang lahat sa kanilang kapangyarihan upang ialay ang kanilang buong katauhan sa makalangit na kalooban ng Diyos, maging mga banal na lingkod sa bahay ng Diyos, at matamasa ang walang-katapusang mga pangakong ipinagkaloob ng Diyos, upang sa lalong madaling panahon ang puso ng Diyos Ama ay matatamasa ang mapayapang kapahingahan. “Tuparin ang kalooban ng Diyos Ama” ang dapat maging kasabihan ng lahat ng umiibig sa Diyos. Dapat ang mga salitang ito ay magsilbing gabay ng tao sa pagpasok at ang kompas na nagtuturo ng kanyang mga pagkilos. Ito ang paninindigan na dapat taglayin ng tao. Upang lubusang tapusin ang gawain ng Diyos sa lupa at makipagtulungan sa gawain ng Diyos sa katawang-tao—ito ang tungkulin ng tao. Isang araw, kapag tapos na ang gawain ng Diyos, ang tao ay magpapaalam sa Kanya sa maagang pagbalik sa Ama sa langit. Hindi ba ito ang responsibilidad na dapat tuparin ng tao?
—mula sa “Gawain at Pagpasok (6)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Buong Teksto: https://tl.godfootsteps.org/work-and-entry.html
0コメント