Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos | Isang Seleksyon Mula sa Apat na Sipi ng Salita ng Diyos sa

1. Sa Kapanahunan ng Biyaya, inihanda ni Juan ang daan para kay Jesus. Hindi Niya kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo at tinupad lamang ang katungkulan ng tao. Kahit si Juan ang tanda ng Panginoon, hindi niya maaaring katawanin ang Diyos; isa lamang siyang tao na ginamit ng Banal na Espiritu. Kasunod ng bautismo ni Jesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya tulad ng isang kalapati. Sinimulan na Niya ang Kanyang gawain, iyon ay, sinimulan Niyang isagawa ang ministeryo ni Cristo. Iyon ang dahilan kung bakit ginampanan Niya ang katauhan ng Diyos, sapagka’t Siya ay nagmula sa Diyos. Paano man ang Kanyang pananampalataya bago ito—marahil kung minsan ito ay mahina, o kung minsan ito ay malakas—iyon lamang ang Kanyang normal na buhay bilang tao bago Niya ginanap ang Kanyang ministeryo. Pagkatapos Siyang binautismuhan (pahiran), agad Siyang nagkaroon ng kapangyarihan at ng kaluwalhatian ng Diyos, at sa gayon ay nagsimulang ganapin ang Kanyang ministeryo. Kaya Niyang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan, gumawa ng mga himala, mayroon Siyang kapangyarihan at awtoridad, sapagka’t Siya ay nagtrabaho nang direkta sa ngalan ng Diyos Mismo; ginawa Niya ang gawain ng Espiritu na kahalili Niya at ipinahayag ang tinig ng Espiritu; samakatuwid Siya Mismo ang Diyos. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Ginamit si Juan ng Banal na Espiritu. Hindi Niya maaaring katawanin ang Diyos, at hindi posible para sa kanya na kumatawan sa Diyos. Kung naisin niya na gawin ito, hindi ito papayagan ng Banal na Espiritu, sapagka’t hindi niya maaaring gawin ang gawain na inilaan ng Diyos Mismo na ganapin. Marahil marami sa kanya ang kalooban ng tao, o may bagay sa kanyang lihis; hindi niya kailanman maaaring direktang katawanin ang Diyos. Kinakatawan lamang ng kanyang mga pagkakamali at kalisyaan ang sarili niya, nguni’t kinakatawan ng kanyang gawain ang Banal na Espiritu. Gayon pa man, hindi mo maaaring sabihing kinakatawan ng lahat sa kanya ang Diyos. Kaya ba ng kanyang paglihis at kalisyaan na katawanin din ang Diyos? Normal sa kumakatawan ng tao na maging mali, nguni’t kung nagkaroon siya ng paglihis sa pagkatawan sa Diyos, sa gayon hindi ba yan kahihiyan sa Diyos? Hindi ba yan kalapastanganan laban sa Banal na Espiritu? Hindi pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na tumayo sa lugar ng Diyos, kahit na dinadakila siya ng iba. Kung hindi siya ang Diyos, hindi niya magagawang manatiling nakatayo sa katapusan. Hindi pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na kumatawan sa Diyos ayon sa pagnanais ng tao! Halimbawa, nagpatotoo kay Juan ang Espiritu Santo, at ibinunyag rin na siya ang maghahanda ng daan para kay Jesus, nguni’t mahusay na sinukat ng Banal na Espiritu ang gawain na ginawa sa kanya. Ang maging tagahanda ng daan para kay Jesus ang tanging hiningi kay Juan, ang ihanda ang daan para sa Kanya. Ibig sabihin, itinaguyod lamang ng Banal na Espiritu ang kanyang gawa sa paghahanda ng daan at pinahintulutan lamang siya na gawin ang ganung trabaho, wala nang iba. Kinatawan ni Juan si Elias, at kinatawan niya ang isang propeta na naghanda ng daan. Itinaguyod ng Banal na Espiritu ito; hangga’t ang kanyang trabaho ay ang ihanda ang daan, itinaguyod ito ng Banal na Espiritu. Subali’t, kung sinabi niyang siya ay Diyos Mismo at dumating upang tapusin ang gawain ng pagtubos, dapat siyang disiplinahin ng Banal na Espiritu. Gaano man kahusay ang gawain ni Juan, at itinaguyod man ito ng Banal na Espiritu, nanatili sa loob ng mga hangganan ang kanyang trabaho. Ang kanyang trabaho sa katunayan ay totoong itinaguyod ng Banal na Espiritu, nguni’t limitado sa paghahanda ng daan ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya sa oras na iyon. Hindi niya maaaring gawin, sa anumang paraan, ang anumang iba pang gawain, dahil siya lamang ay si Juan na naghanda ng daan, at hindi si Jesus. Samakatuwid, susi ang patotoo ng Banal na Espiritu, nguni’t mas mahalaga pa ang gawain na pinahintulutan ng Banal na Espiritu na gawin ng tao. Hindi ba labis ang pagsaksi kay Juan? Hindi ba dakila rin ang kanyang gawain? Nguni’t hindi malalampasan ng gawain na kanyang ginawa yaong kay Jesus, sapagka’t siya ay hindi hihigit sa isang tao na ginamit ng Banal na Espiritu at hindi maaaring tuwirang kumatawan sa Diyos, at kaya ang gawain na kanyang ginawa ay limitado. Pagkaraang matapos niya ang pagbibigay-daan, walang nagpatuloy na magtaguyod sa kanyang patotoo, walang bagong gawain ang muling sumunod sa kanya, at siya ay umalis habang ang gawain ng Diyos Mismo ay nagsimula.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

2. May ilang sinasaniban ng masasamang espiritu at paulit-ulit na sumisigaw ng, “Ako ay Diyos!” Nguni’t sa katapusan, sila ay nabubunyag dahil sila ay mali sa kanilang kinakatawan. Kinakatawan nila si Satanas, at hindi sila binibigyang-pansin ng Banal na Espiritu. Gaano man kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong sarili o gaano ka man kalakas sumigaw, ikaw ay isang nilalang pa rin at isa na nabibilang kay Satanas. Kailanman hindi Ako sumisigaw, “Ako ay Diyos, Ako ang sinisintang Anak ng Diyos!” Nguni’t ang gawaing ginagawa Ko ay gawain ng Diyos. Kailangan Ko bang sumigaw? Hindi kailangan ang pagpaparangal. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang Mismong gawain at hindi kailangan ng tao na bigyan Siya ng isang katayuan o kagalang-galang na titulo: sapat na ang Kanyang gawain upang kumatawan sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Bago ang Kanyang bautismo, hindi ba si Jesus ang Diyos Mismo? Hindi ba Siya ang nagkatawang-taong Diyos? Tiyak na hindi maaaring sabihin na naging tanging Anak ng Diyos lamang Siya pagkatapos Niyang napatotohanan? Wala bang tao na may pangalang Jesus sa panahon bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain? Hindi ka maaaring maghatid ng mga bagong landas o kumatawan sa Espiritu. Hindi mo maaaring ipahayag ang gawain ng Espiritu o ang mga salita na sinasabi Niya. Hindi mo kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo o yaong sa Espiritu. Hindi mo maaaring ipahayag ang karunungan, himala, at pagiging di-maarok ng Diyos, o ang lahat ng mga disposisyon sa pagkastigo ng Diyos sa tao: lahat ng ito ay lumampas sa iyong kakayahang magpahayag. Kaya hindi mahalaga ang iyong mga paulit-ulit na pag-angkin na ikaw ang Diyos; mayroon ka lamang pangalan at wala niyaong sangkap. Dumating ang Diyos Mismo, nguni’t walang nakakakilala sa Kanya, nguni’t patuloy Siya sa Kanyang gawain at ginagawa ang gayon sa pagkatawan sa Espiritu. Kahit tawagin mo Siyang tao o Diyos, ang Panginoon o Cristo, o tawagin Siyang kapatid na babae, ayos lamang lahat ng ito. Nguni’t ang gawaing ginagawa Niya ay yaong sa Espiritu at kumakatawan sa gawain ng Diyos Mismo. Wala Siyang pakialam tungkol sa pangalan na itinatawag sa Kanya ng tao. Puwede bang matukoy ng pangalang iyan ang Kanyang gawain? Hindi alintana kung ano ang tawag mo sa Kanya, mula sa pananaw ng Diyos, Siya ay ang naging taong katawan ng Espiritu ng Diyos; kinakatawan Niya ang Espiritu at pinahihintulutan Niya. Hindi ka makakagawa ng daan para sa isang bagong kapanahunan, at hindi mo maaaring dalhin ang luma sa katapusan, at hindi maaaring maghatid ng isang bagong kapanahunan o gumawa ng bagong gawain. Samakatuwid, hindi ka maaaring tawaging Diyos!

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

3. Kahit ang isang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo. At hindi lamang hindi maaaring kumatawan ang taong ito sa Diyos, kundi hindi maaaring direktang kumatawan ang kanyang gawain sa Diyos. Ibig sabihin niyan, hindi maaaring direktang ilagay sa loob ng pamamahala ng Diyos ang karanasan ng tao, at hindi ito maaaring kumatawan sa pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing ninanais Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa malaking pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng mga tao (iyon ay, ang mga tao na ginagamit ng Banal na Espiritu) ay binubuo ng pagtutustos ng kanilang indibidwal na karanasan. Nakakasumpong siya ng isang bagong landas ng karanasan mula roon sa nilakaran niyaong mga nauna sa kanya at pinangungunahan ang kanyang mga kapatid sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ang tinutustusan ng mga taong ito ay ang kanilang indibidwal na karanasan o espirituwal na mga kasulatan ng espirituwal na mga tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa malaking gawain ng pamamahala sa loob ng anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang mga panahon upang ihantong ang mga tao sa agos ng Espiritu Santo hanggang sa matupad nila ang kanilang tungkulin o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang bagay sa pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Hindi kayang gawin ng gayong mga tao ang mas higit na gawain sa Kanyang pamamahala, at hindi sila maaaring magbukas ng mga bagong daan palabas, mas lalo na ang tapusin ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatuwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilikhang persona na gumaganap ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumaganap ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad niyaong ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng mga gawain na ginagawa ng tao ay pagganap ng kanyang tungkulin bilang isa sa sangnilikha at ito ay ginagawa kapag naaantig o naliliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang patnubay na ibinibigay ng gayong mga tao ay kung paano ang magsagawa sa pang-araw-araw na buhay ng tao at kung paano dapat kumilos ang tao na katugma sa kalooban ng Diyos. Hindi kinapapalooban ang gawain ng tao ng pamamahala ng Diyos at hindi rin kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay upang manguna sa daan. Maging ang paraan ay bago o luma, ang gawain ay nakabase sa alituntunin na nananatiling nakapaloob sa Biblia. Kung ang mga lokal na iglesia man ay binuhay muli o itinayo, ang kanilang gawain ay upang itatag ang mga iglesia. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o pinaunlad pang lalo sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay upang buhaying muli ang hiniling ni Jesus sa Kanyang gawain sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling pagtalukbong sa kanilang mga ulo, pagbautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay upang manatili lamang sa Biblia at maghanap ng mga landas na nakapaloob lamang sa Biblia. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. Samakatuwid, makikita sa kanilang gawain ang pagkatuklas lamang ng mga bagong pamamaraan na nakapaloob sa Biblia, gayundin ang mas mahusay at mas makatotohanang mga pagsasagawa. Nguni’t hindi makikita sa kanilang gawain ang kasalukuyang kalooban ng Diyos, lalong hindi makikita ang bagong gawain na gagawin ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay dahil sa ang landas na kanilang nilakaran ay luma pa rin; walang pagsulong at walang anumang bago. Nagpatuloy silang panatilihin ang katotohanan ng pagkakapako sa krus ni Jesus, ang pagsasagawa ng paghingi sa mga tao na magsisi at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, ang kasabihan na siya na nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas, at ang kasabihan na ang lalaki ang pinuno ng babae, at dapat pasakop ang babae sa kanyang asawa. Higit pa rito, pinanatili nila ang makalumang pagkaintindi na hindi makapangangaral ang mga kapatid na babae, at magagawa lamang nilang sumunod. Kung ang gayong paraan ng pamumuno ay nagpatuloy, kung gayon hindi na kailanman magagawa ng Banal na Espiritu na magsakatuparan ng bagong gawain, mapalaya ang mga tao mula sa doktrina, o pangunahan ang mga tao tungo sa isang kinasasaklawan ng kalayaan at kagandahan. Samakatuwid, ang yugtong ito ng gawain para sa pagbabago ng mga kapanahunan ay dapat na gawin at salitain ng Diyos Mismo, kung hindi walang sinumang tao ang makakagawa bilang kahalili Niya. Hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng daloy na ito ay nakarating sa isang pagkahinto at yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay nawalan ng kanilang mga tikas. Samakatuwid, dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng mga gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil sa naiiba ang gawain na nais gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay naglalaan ng ibang mga pagkakakilanlan at mga katayuan sa lahat niyaong mga gumagawa. Maaari ring gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang mga gawaing bago at maaari ring alisin ang ilang mga gawain na natapos sa naunang kapanahunan, nguni’t hindi maaaring ipahayag ng kanilang gawain ang disposisyon at kalooban ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, hindi upang gawin ang bagong gawain na direktang kumakatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming mga hindi-napapanahong pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong mga pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilalang. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta Siya at walang paliguy-ligoy sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa pagganap ng hinahangad Niyang gawain; iyon ay, direkta Siyang nagpapahayag ng gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag ang Kanyang kabuuan at disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad niyaong sa mga nakaraang panahon. Subali’t, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaliktaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagtalakay at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginawa ng tao ay ang manatili sa pangkaraniwan at “lumakad sa dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya ang tao ay tao pa rin matapos ang lahat, at ang Diyos ay Diyos.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

4. Si Juan ay isinilang sa pamamagitan ng pangako, katulad ng pagkakasilang ni Isaac kay Abraham. Hinanda niya ang daan para kay Jesus at gumawa ng maraming gawain, nguni’t hindi siya Diyos. Sa halip, siya ay itinuturing na isang propeta sapagka’t hinanda lamang niya ang daan para kay Jesus. Ang kanyang gawain ay dakila rin, at pagkatapos lamang niyang naihanda ang daan saka opisyal na nagsimula ang gawain ni Jesus. Sa diwa, siya ay nagpagal lamang para kay Jesus, at ang kanyang gawain ay para sa paglilingkod sa gawain ni Jesus. Pagkatapos niyang ihanda ang daan, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain, gawain na mas bago, mas tiyak, at mas higit pang detalyado. Ginawa lamang ni Juan ang gawain ng pasimula; mas marami sa bagong gawain ay ginawa ni Jesus. Si Juan ay gumawa rin ng bagong gawain, nguni’t hindi siya ang taong naghatid sa isang bagong kapanahunan. Ipinanganak si Juan sa pamamagitan ng pangako, at ibinigay ng anghel ang kanyang pangalan. Sa oras na iyon, nais ng ilan na isunod ang kanyang pangalan sa kanyang ama na si Zacarias, nguni’t nagsalita ang kanyang ina, na nagsabi, “Ang batang ito ay hindi maaaring tawagin sa pangalan na yan. Dapat siyang tawagin na Juan.” Itinuro itong lahat ng Banal na Espiritu. Kung gayon, bakit hindi tinawag si Juan na Diyos? Ang pangalan ni Jesus ay sa pamamagitan rin ng direksyon ng Banal na Espiritu, at ipinanganak Siya ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay Diyos, Cristo, at ang Anak ng tao. Dakila rin ang gawain ni Juan, nguni’t bakit hindi siya tinawag na Diyos? Ano mismo ang pagkakaiba sa pagitan ng gawain na ginawa ni Jesus at ng ginawa ni Juan? Ang tanging dahilan lamang ba ay si Juan ang naghanda ng daan para kay Jesus? O dahil itinalaga na ito ng Diyos? Kahit sinabi rin ni Juan, “Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit,” at nangaral din ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, ang kanyang gawain ay hindi malalim at bumuo lamang ng simulain. Sa kaibahan, inihatid ni Jesus ang bagong kapanahunan at dinala ang lumang kapanahunan sa katapusan, nguni’t tinupad din Niya ang kautusan ng Lumang Tipan. Higit na mas dakila ang gawain na ginawa Niya kaysa kay Juan, at pumarito Siya upang tubusin ang lahat ng sangkatauhan—ginawa Niya ang yugto ng gawain na yan. Naghanda lamang ng daan si Juan. Kahit na dakila ang kanyang gawain, marami ang kanyang mga salita, at marami ang mga alagad na sumunod sa kanya, walang higit na ibinunga ang kanyang gawain kundi dalahin ang isang bagong simula sa tao. Hindi kailanman nakatanggap mula sa kanya ang tao ng buhay, ng daan, o malalalim na katotohanan, at wala rin silang nakamit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan niya. Si Juan ay isang dakilang propeta (Elias) na nagpasimuno ng bagong batayan para sa gawain ni Jesus at inihanda ang pinili; naging hudyat siya para sa Panahon ng Biyaya. Hindi maaaring mabatid ang ganitong mga bagay sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kanilang mga karaniwang anyong tao. Lalo na dahil gumawa rin ng ilang mahusay na gawain si Juan; higit pa rito, ipinanganak siya sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu, at itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain. Gaya ng nabanggit, ang pagtukoy sa pagkakaiba ng kanilang mga sariling pagkakilanlan ay maaari lamang magawa sa pamamagitan ng kanilang gawain, sapagka’t hindi masasabi ng panlabas na anyo ng isang tao ang kanyang diwa, at hindi kaya ng tao na alamin ang tunay na patotoo ng Banal na Espiritu. Ang gawain na ginawa ni Juan at ang ginawa ni Jesus ay hindi magkatulad at magkaiba ng kalikasan. Ito ang dapat magtukoy kung Diyos siya o hindi. Ang gawain ni Jesus ay ang magsimula, magpatuloy, tumapos at tumupad. Tinupad ni Jesus ang bawat isa sa mga hakbang na ito, samantalang ang gawain ni Juan ay hindi hihigit sa pagsisimula. Sa simula, ipinakalat ni Jesus ang ebanghelyo at ipinangaral ang paraan ng pagsisisi, pagkatapos ay nagbautismo ng tao, nagpagaling ng karamdaman, at nagpalayas ng mga demonyo. Sa katapusan, tinubos Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kinumpleto ang Kanyang gawain para sa buong kapanahunan. Nangaral siya sa tao at nagpakalat ng ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng mga lugar. Ito ay pareho kay Juan, na ang pagkakaiba ay dahil naghatid si Jesus ng isang bagong kapanahunan at nagdala sa tao ng Kapanahunan ng Biyaya. Lumabas mula sa Kanyang bibig ang salita na dapat isabuhay ng tao at ang daan na dapat sundin ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa katapusan, tinapos Niya ang gawain ng pagtubos. Hindi kailanman matutupad ni Juan ang gayong gawain. At sa gayon, si Jesus ang gumawa ng gawain ng Diyos Mismo, at Siya ang Diyos Mismo at direktang kumakatawan sa Diyos. Sinasabi ng mga pagkaintindi ng tao na lahat niyaong isinilang sa pamamagitan ng pangako, isinilang sa Espiritu, pinagtibay ng Banal na Espiritu, at ang nagbukas ng maraming bagong pamamaraan ay Diyos. Alinsunod sa katwirang ito, si Juan rin ay Diyos, at si Moises, si Abraham, at si David…, sila rin ay Diyos. Hindi ba ito isang malaking biro?

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

5. Naniniwala ang mga tao na ang Diyos na nagkatawang-tao ay tiyak na hindi nabubuhay gaya ng normal na tao; naniniwala sila na Siya ay malinis na hindi na kinakailangang magsipilyo ng Kanyang mga ngipin o hugasan ang Kanyang mukha; sapagka’t Siya’y isang banal na tao. Di ba ito pawang mga palagay ng tao? Hindi gumawa ang Biblia ng tala ng buhay ni Jesus bilang isang tao, tanging ang Kanyang gawain lamang, nguni’t hindi nito pinapatunayan na Siya ay hindi nagkaroon ng karaniwang pagkatao o na hindi Siya namuhay ng isang normal na buhay ng tao bago ang edad na tatlumpu. Opisyal Niyang sinimulan ang Kanyang gawain sa edad na 29, nguni’t hindi mo maaaring itanggi ang Kanyang buong buhay bilang isang tao bago ang edad na iyon. Tinanggal lamang ng Biblia ang yugtong iyon mula sa mga talaan nito; dahil ito ay ang Kanyang buhay bilang isang ordinaryong tao at hindi ang yugto ng Kanyang banal na gawain, walang pangangailangan para ang mga ito ay isulat. Dahil bago ang bautismo ni Jesus, hindi kaagad na ginawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, nguni’t pinananatili lamang ang Kanyang buhay bilang isang ordinaryong tao hanggang sa araw na si Jesus ay nararapat na upang gumanap sa Kanyang ministeryo. Kahit Siya ang nagkatawang-tao na Diyos, sumailalim Siya sa proseso ng pagiging may-gulang tulad ng ginagawa ng isang ordinaryong tao. Tinanggal ang prosesong ito mula sa Biblia, dahil wala itong maaaring maibigay na malaking tulong sa paglago ng tao sa buhay. Bago ang Kanyang bautismo ay ang isang yugto na kung saan nanatili Siyang di-lantad, at hindi rin Siya gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan. Sinimulan lamang ni Jesus pagkatapos ng Kanyang bautismo ang lahat ng gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, gawain na marangyang sagana sa biyaya, sa katotohanan, at sa pag-ibig at awa. Ang simula ng gawaing ito ay ang pagsisimula rin ng Kapanahunan ng Biyaya; para sa kadahilanang ito, naisulat ito at ipinasa hanggang sa kasalukuyan. Nagbukas ito ng isang daan palabas at dinala ang lahat sa katuparan upang yaong nasa Kapanahunan ng Biyaya ay lakaran ang daan ng gayong kapanahunan at lakaran ang daan ng krus. Bagama’t ang mga tala niyon ay isinulat ng tao, lahat ay mga paglalarawan ng mga totoong pangyayari, na mayroon lamang maliliit na mga pagkakamali sa partikular na mga bagay. Kahit ganun, hindi maikakaila ang katotohanan ng gayong mga bagay. Ang mga ito ay totoo sa kabuuan, bagama’t lumitaw ang mga pagkakamali sapagka’t ang mga ito ay isinulat ng tao. Maaaring sabihin ng ilan na si Jesus ay isa na may normal at karaniwang pagkatao, kaya paanong nangyari na mayroon Siyang kakayahan sa paggawa ng mga tanda at mga hiwaga? Ang apatnapung araw ng pagkatukso na pinagdaanan ni Jesus ay isang tanda ng himala, isang bagay na hindi makakayang kamtin ng isang karaniwang tao. Ang Kanyang apatnapung araw ng pagkatukso ay gawain ng Banal na Espiritu; paano masasabi kung gayon ng isang tao na wala ni kaunting hindi pangkaraniwan sa loob Niya? Hindi ipinamamalas ng Kanyang paggawa ng mga tanda at ng mga kababalaghan na Siya ay hindi karaniwang tao kundi isang transendenteng tao; ang Banal na Espiritu ay gumawa lamang sa isang karaniwang taong kagaya Niya, sa gayon ay naging posible para sa Kanya na magsagawa ng mga himala at gumawa ng mas dakilang bagay. Bago gumanap si Jesus ng Kanyang ministeryo, o tulad ng sinasabi sa Biblia, bago bumaba ang Espiritu sa Kanya, isa lamang ordinaryong tao si Jesus at sa anupaman hindi higit sa pangkaraniwan. Sa pagbaba ng Banal na Espiritu, iyon ay, nang nagsimula Siya sa pagganap ng Kanyang ministeryo, Siya ay nagkaroon ng higit sa pangkaraniwan. Sa ganitong paraan, ang tao ay napapaniwala na ang katawan ng naging-taong Diyos ay walang normal na pagkatao at higit pa rito ay iniisip nang may kamalian na ang Diyos na nagkatawang-tao ay walang pagkatao. Tiyak, ang gawain at lahat ng nakikita ng tao sa Diyos sa lupa ay higit sa karaniwan. Ang pinagmamasdan mo gamit ang iyong mga mata at ang naririnig mo gamit ang iyong mga tainga ay di-pangkaraniwang lahat, dahil ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay hindi kayang unawain at matamo ng tao. Kung may bagay sa langit na dinala sa lupa, paano ito magiging ano pa man kundi higit sa karaniwan? Kapag dinala sa lupa ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ang mga hiwagang hindi maunawaan at hindi maarok ng tao, na masyadong nakakamangha at matalino—hindi ba ang lahat ng ito ay higit sa karaniwan? Subali’t, dapat mong malaman na kahit gaano man ito higit sa karaniwan, ang lahat ay tinutupad sa saklaw ng Kanyang karaniwang pagkatao. Ang katawan ng naging-taong Diyos ay may pagkatao; kung hindi, hindi Siya magiging katawan ng naging taong Diyos.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

6. Ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa katawang-tao ay pinamamahalaan ng sariling mga alituntunin nito. Maaari lamang Siyang magsagawa ng gawain at gampanan ang iniatas ng Ama kapag nagtataglay na Siya ng karaniwang pagkatao. Pagkatapos lamang noon maaari Niyang simulan ang Kanyang gawain. Sa Kanyang pagkabata, hindi masyadong naintindihan ni Jesus ang lahat ng naganap sa sinaunang panahon, at sa pamamagitan lamang ng pagtatanong sa mga guro sa sinagoga Niya naunawaan. Kung nagsimula Siya sa Kanyang gawain sa unang pagkakataon na natuto Siyang magsalita, paanong posibleng hindi Siya makagawa ng anumang mga pagkakamali? Paano makakagawa ang Diyos ng mga maling hakbang? Samakatuwid, pagkatapos lamang nito na Siya ay nagsimula sa Kanyang gawain; hindi Siya nagsagawa ng anumang gawain hanggang ganap Siyang handa sa pagsasagawa ng mga nasabi. Sa edad na 29, naging ganap na si Jesus at sapat na ang Kanyang pagkatao upang magsagawa ng gawain na gagawin Niya. Pagkatapos lamang noon na ang Banal na Espiritu, na nanatiling nakatago ng tatlumpung taon, ay nagsimulang magpahayag ng Kanyang sarili, at opisyal nang nagsimulang gumawa sa Kanya ang Espiritu ng Diyos. Nang panahong iyon, naghanda si Juan ng pitong taon sa paghahanda ng daan para sa Kanya, at sa pagtatapos ng kanyang gawain, itinapon si Juan sa bilangguan. Pagkatapos ay ganap na napunta ang pasanin kay Jesus. Kung isinagawa Niya ang gawaing ito sa edad na 21 o 22, noong marami Siyang kakulangan sa pagkatao at kapapasok pa lamang sa pagkabinata, kulang pa rin sa pang-unawa sa maraming mga bagay, hindi pa Niya kakayaning panghawakan ang pamumuno. Noong panahong iyon, natupad na ni Juan ang kanyang gawain ng ilang panahon bago simulan ni Jesus ang Kanyang gawain sa Kanyang pagkabinata. Sa edad na iyon, sapat na ang Kanyang karaniwang pagkatao upang magsagawa ng gawain na dapat Niyang gawin.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

7. Maraming mga alituntunin ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Maraming hindi maunawaan ang tao, nguni’t patuloy na ginagamit ng tao ang kanyang sariling mga paniniwala upang masukat ito o gumawa ng labis na mga kahilingan sa Kanya. At kahit sa araw na ito marami ang walang kamalayan na ang kanilang kaalaman ay binubuo lamang ng kanilang sariling mga paniniwala. Anuman ang edad o lugar kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, nananatili pa ring hindi nagbabago ang mga alituntunin ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Hindi Siya maaaring maging katawang-tao pero lalampasan ang katawang-tao upang gumawa; saka, hindi Siya maaaring maging katawang-tao pero hindi gumawa sa normal na pagkatao ng katawang-tao. Kung hindi, mapapawi ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at magiging ganap na walang kahulugan ang Salita na naging katawang-tao. Dagdag pa rito, tanging ang Ama sa langit (ang Espiritu) ang nakakaalam ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at wala nang iba, hindi kahit ang katawang-tao Mismo o ang mga sugo ng langit. Dahil dito, mas normal pa ang gawain ng Diyos sa katawang-tao at mas makakapagpakita na sa katunayan ang Salita ay naging katawang-tao; ang ibig sabihin ng katawang-tao ay ordinaryo at normal na tao.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

8. Maaaring magtaka ang ilan, Bakit kinakailangang ang kapanahunan ay ihatid ng Diyos Mismo? Hindi ba maaaring ang isang nilalang ay tumayo na kahalili Niya? Batid ninyong lahat na hayagang naging tao ang Diyos para sa layunin ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan, at, siyempre, kapag inihahatid Niya ang isang bagong kapanahunan, natapos na rin Niya ang naunang kapanahunan. Ang Diyos ay ang Simula at ang Katapusan; Siya Mismo ang nagpapatakbo ng Kanyang gawain at kaya dapat Siya Mismo ang tatapos sa naunang kapanahunan. Iyon ang patunay na tinatalo Niya si Satanas at nilulupig ang mundo. Tuwing gumagawa Siya Mismo sa gitna ng tao, ito ay simula ng isang bagong labanan. Kung walang pagsisimula ng bagong gawain, natural na walang konklusyon ng luma. At ang kawalang konklusyon ng luma ang patunay na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi pa natatapos. Tanging kung ang Diyos Mismo ay dumarating at nagdadala ng bagong gawain sa gitna ng tao na ganap na makakalaya ang tao mula sa sakop ni Satanas at makakatamo ng isang bagong buhay at bagong simula. Kung hindi, mamumuhay magpakailanman ang tao sa lumang kapanahunan at mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng lumang impluwensiya ni Satanas. Sa bawa’t kapanahunan na pinangunahan ng Diyos, ang isang bahagi ng tao ay napapalaya, at sa gayon ay sumusulong ang tao kasama ng gawain ng Diyos patungo sa bagong kapanahunan. Ang tagumpay ng Diyos ay tagumpay para sa lahat niyaong mga sumusunod sa Kanya. Kung ang sangkatauhang nilikha ay inakusahan ng pagtatapos ng kapanahunan, kung gayon iyon man ay sa pananaw ng tao o ni Satanas, ito ay walang iba kundi isang gawa na sumasalungat o nagtataksil sa Diyos, hindi ng pagsunod sa Diyos, at ang gawa ng tao ay magiging kasangkapan para kay Satanas. Magiging ganap na kumbinsido si Satanas kung tatalima at susunod lamang ang tao sa Diyos sa isang kapanahunan na inihatid ng Diyos Mismo, dahil iyon ang tungkulin ng isang nilalang. Kaya sinasabi ko na kailangan lamang ninyong sumunod at tumalima, at wala nang ibang hinihingi sa inyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagpapanatili ng bawa’t isa sa kanyang tungkulin at pagganap ng kanyang gawain. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain at hindi kailangan ang tao para humalili sa paggawa ng Kanyang gawain, at hindi rin Niya isinasangkot ang Kanyang Sarili sa gawain ng mga nilalang. Gumaganap ang tao ng kanyang sariling tungkulin at hindi nakikialam sa gawain ng Diyos, at iyon ang tunay na pagsunod at patunay na natalo na si Satanas. Pagkatapos ng Diyos Mismo na naghatid sa bagong kapanahunan, hindi na Siya Mismo gumagawa sa gitna ng tao. Pagkatapos noon saka lamang opisyal na humahakbang ang tao patungo sa bagong kapanahunan upang gampanan ang kanyang tungkulin at tuparin ang kanyang misyon bilang isang nilalang. Ganyan ang mga alituntunin ng paggawa na hindi maaaring suwayin ninuman. Ang ganitong paraan lamang ng paggawa ang matino at makatwiran. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa ng Diyos Mismo. Siya ang nagpapasimulang patakbuhin ang Kanyang gawain, at Siya rin ang tumatapos nito. Siya ang nagplaplano ng gawain, at Siya rin ang namamahala nito, at lalo na, Siya ang nagpapabunga sa gawain. Tulad ito ng nakasaad sa Biblia, “Ako ang Pasimula at ang Katapusan; Ako ang Tagahasik at ang Tagaani.” Ang lahat ng may kaugnayan sa gawain ng Kanyang pamamahala ay ginagawa Niya Mismo. Siya ang Tagapamahala ng anim-na-libong-taong plano sa pamamahala; walang sinuman ang makakagawa ng Kanyang gawain bilang kahalili Niya o magtatapos ng Kanyang gawain, dahil Siya ang may kontrol ng lahat. Dahil nilikha Niya ang mundo, aakayin Niya ang buong mundo na mamuhay sa Kanyang liwanag, at tatapusin Niya ang buong kapanahunan upang dalhin ang lahat ng Kanyang plano sa katuparan!

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

9. Sa panahong iyon, nang si Jesus ay gumawa sa Judea, gumawa Siya nang lantaran, ngunit ngayon, gumagawa Ako at nagsasalita sa inyo nang lihim. Ganap na hindi ito alam ng mga hindi mananampalataya. Ang Aking gawain sa inyo ay hiwalay sa iba. Ang mga salitang ito, ang mga pagkastigo at mga paghatol na ito, ay hayag lamang sa inyong lahat at wala nang iba. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa sa inyo at binuksan lamang sa inyo; wala sa mga hindi mananampalataya ang nakakaalam nito, dahil hindi pa dumarating ang oras. Malapit nang maging ganap ang mga taong ito matapos na tiisin ang mga pagkastigo, ngunit walang alam ang mga nasa labas tungkol dito. Masyadong nakatago ang gawaing ito! Para sa kanila, malihim ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit sa mga nasa daluyang ito, maaari Siyang ituring na hindi lihim. Kahit na ang lahat ay bukas sa Diyos, naihahayag ang lahat at inilalabas ang lahat, totoo lamang ito sa mga taong naniniwala sa Kanya, at walang ipinaaalam sa mga hindi mananampalataya. Ang gawaing isinasagawa dito ngayon ay mahigpit na nakahiwalay upang hindi nila malaman. Kung malaman man nila, paghatol at pag-uusig lamang ang naghihintay. Hindi sila maniniwala. Ang gumawa sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakapaurong sa mga lugar, ay hindi madaling gawain. Kung ang gawaing ito ay ihahayag, samakatwid magiging imposibleng magpatuloy. Ang yugtong ito ng gawain ay hindi basta maaaring sumulong sa lugar na ito. Paano nila pahihintulutan ito kung ang ganitong gawain ay natupad nang lantaran? Hindi ba ito magdadala pa ng mas malaking panganib? Kung hindi naitago ang gawaing ito, at sa halip ay ipinagpatuloy tulad sa panahon ni Jesus nang kamangha-mangha Siyang nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, kung ganoon hindi ba matagal na sana itong “sinunggaban” ng mga demonyo? Kaya ba nilang tiisin ang pag-iral ng Diyos? Kung papasok Ako ngayon sa mga bulwagan upang mangaral at magbigay ng panayam sa tao, hindi ba matagal na sana Akong nagkadurug-durog? At kung gayon, paanong patuloy na matutupad ang Aking gawain? Ang dahilan kung bakit ang mga tanda at kababalaghan ay hindi nahahayag nang lantaran ay para sa kapakanan ng pagkatago. Kaya ang Aking gawain ay hindi maaaring makita, makilala o matuklasan ng mga hindi mananampalataya. Kung ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa parehong paraan tulad ng kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito magiging matatag. Kaya, ang gawain na itatago sa paraang ito ay may benepisyo sa inyo at sa lahat ng gawain. Kapag ang gawain ng Diyos sa lupa ay dumating na sa katapusan, iyon ay, kapag ang lihim na gawaing ito ay natapos, ang yugtong ito ng gawain ay mahahayag. Malalaman ng lahat na may mga grupo ng mga mananagumpay sa Tsina; malalaman ng lahat na nasa Tsina ang Diyos na nagkatawang-tao at dumating na sa pagtatapos ang Kanyang gawain. Doon lamang ito magliliwanag sa tao: Bakit hindi pa nagpapakita ang Tsina ng paghina o pagbagsak? Lumalabas na ang Diyos ay personal na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa Tsina at ginawang ganap ang isang grupo ng mga tao bilang mga mananagumpay.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

10. Inihahayag lamang ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang sarili sa ilang tao na sumusunod sa Kanya habang personal Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain, at hindi sa lahat ng nilalang. Naging katawang-tao lamang Siya upang makumpleto ang isang yugto ng gawain, hindi upang ipakita sa tao ang Kanyang larawan. Gayunpaman, dapat na tuparin Niya mismo ang Kanyang gawain, kaya kinakailangan Niya itong gawin sa katawang-tao. Kapag natapos ang gawaing ito, aalis Siya mula sa daigdig; hindi Siya maaaring manatili sa mahabang panahon sa sangkatauhan dahil sa takot na maharangan ang darating na gawain. Ang inihahayag Niya sa karamihan ay ang Kanya lamang matuwid na disposisyon at ang lahat ng Kanyang mga gawa, at hindi ang larawan ng Kanyang katawan nang dalawang beses Siyang naging katawang-tao, dahil ang larawan ng Diyos ay maaari lamang na makita sa Kanyang disposisyon, at hindi pinalitan ng larawan ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Ipinapakita lamang sa limitadong bilang ng mga tao ang larawan ng Kanyang katawang-tao, tanging sa mga taong sumusunod sa Kanya habang gumagawa Siya sa katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit ang gawaing ipinapatupad ngayon ay ginagawa nang lihim. Tulad ni Jesus na ipinakita lamang ang Kanyang sarili sa mga Judio noong ginawa Niya ang Kanyang gawain, at hindi kailanman hayagan na ipinakita sa ibang bansa. Kaya, sa sandaling nakumpleto Niya ang Kanyang gawain, kaagad Niyang nilisan ang tao at hindi nanatili; sa sumunod na panahon, hindi Niya ipinahayag ang larawan ng Kanyang sarili sa tao, ngunit sa halip ang gawain ay isinakatuparan nang direkta ng Banal na Espiritu. Kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, umaalis na Siya mula sa mortal na mundo, at hindi na kailanman pang muling gagawa ng gawain na katulad ng Kanyang ginawa noong panahong Siya ay nagkatawang-tao. Ang gawain na sumunod ay direktang ginagawa lahat ng Banal na Espiritu. Sa panahong ito, mahirap makikita ng tao ang Kanyang larawan sa katawang-tao; hindi Niya ipinapakita ang Kanyang sarili sa tao sa anumang paraan, at nananatiling nakatago magpakailanman. May limitadong oras para sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, na dapat matupad sa isang tiyak na kapanahunan, oras, bansa at sa mga partikular na tao. Ang ganitong gawain ay kumakatawan lamang sa gawain sa panahong ang Diyos ay nagkatawang-tao, at ito ay partikular sa kapanahunan, na kumakatawan sa gawain ng Espiritu ng Diyos sa isang partikular na kapanahunan, at hindi ang kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, hindi ipapakita sa lahat ng tao ang larawan ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang ipinapakita sa karamihan ay ang pagkamatuwid ng Diyos at ang Kanyang disposisyon sa kabuuan nito, sa halip na ang Kanyang larawan nang dalawang beses Siyang naging tao. Hindi ito ang nag-iisang larawan na ipinapakita sa tao, o ang dalawang larawang pinagsama. Samakatuwid, kinakailangang umalis ang nagkatawang-taong Diyos sa daigdig kapag nakumpleto ang gawain na kailangan Niyang gawin, sapagkat dumarating lamang Siya upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at hindi upang ipakita sa mga tao ang Kanyang larawan. Kahit na ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay natupad na ng Diyos nang dalawang beses na maging tao, hindi pa rin Niya lantarang ipapakilala ang Kanyang sarili sa anumang bansa na kailanman ay hindi pa Siya nakita.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

11. Sa sandaling ang gawain nang dalawang beses Siyang naging tao ay dumating sa katapusan, magsisimula Siyang magpakita ng Kanyang matuwid na disposisyon sa ibayong mga bansang Gentil, na magpapahintulot sa maraming tao na makita ang Kanyang larawan. Nais Niyang ipahayag ang Kanyang disposisyon, at sa pamamagitan nito ay gawing malinaw ang katapusan ng iba’t ibang uri ng tao, dahil doon madadala ang lumang kapanahunan sa ganap na katapusan. Ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay hindi umaabot sa napakalaking kalawakan (gaya ng paggawa lamang ni Jesus sa Judea, at ngayon ay gumagawa lamang Ako kasama ninyo) dahil ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at limitasyon. Isinasagawa lamang Niya ang isang maikling panahon ng gawain sa larawan ng isang karaniwan at normal na katawang-tao, sa halip na gawin ang gawain ng walang-hanggan o gawin ang gawain ng pagpapakita sa lahat ng tao ng mga bansang Gentil sa pamamagitan nitong nagkatawang-taong laman. Itong gawain sa katawang-tao ay dapat na limitado sa saklaw (gaya ng paggawa lamang sa Judea o sa inyo lamang), pagkatapos ay pinalaki sa pamamagitan ng gawain na natupad sa loob ng mga hangganan na ito. Siyempre, ang gawain ng ganitong pagpapalawak ay direktang tinutupad ng Kanyang Espiritu at hindi magiging gawain ng Kanyang katawang-tao. Sapagkat ang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at hindi abot sa lahat ng sulok ng sansinukob. Ito, hindi ito maaaring magawa. Sa pamamagitan ng gawain sa katawang-tao, tinutupad ng Kanyang Espiritu ang gawaing sumusunod. Kaya, ang gawain na ginawa sa katawang-tao ay isa sa simulaing ipinatupad sa loob ng mga hangganan; ang Kanyang Espiritu sa dakong huli ang magpapatuloy sa gawaing ito, at magpapalawak nito.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

12. Dumarating ang Diyos dito sa mundo para gawin lamang ang gawain ng pamumuno sa kapanahunan; para magbukas ng isang bagong kapanahunan at dalhin ang luma sa katapusan. Hindi Siya naparito upang isabuhay ang pagdaan ng buhay ng tao sa lupa, upang maranasan Niya mismo ang mga kasiyahan at kalungkutan ng buhay bilang isang tao, o upang gawing perpekto ang isang tao sa pamamagitan ng Kanyang kamay o personal na panoorin ang isang tao habang siya ay lumalaki. Hindi Niya ito gawain; ang Kanyang gawain lamang ay buksan ang bagong kapanahunan at tapusin ang luma. Iyon ay, magbubukas Siya ng isang kapanahunan, dadalhin ang isa sa katapusan, at tatalunin si Satanas sa pamamagitan ng personal na pagtupad ng gawain. Tuwing tinutupad Niya ang gawain nang personal, tila inilalagay Niya ang isang paa sa lugar ng digmaan. Sa katawang-tao, uunahin muna Niyang talunin ang mundo at magwawagi laban kay Satanas; tinatamo Niya ang lahat ng kaluwalhatian at itinataas ang mga kurtina sa gawain ng lahat ng dalawang libong taon, at ito ay nagbibigay sa lahat ng tao sa mundo ng tamang landas na susundin, at isang buhay na payapa at masaya. Subalit, ang Diyos ay hindi maaaring makipamuhay kasama ang tao sa mundo nang matagal, dahil ang Diyos ay Diyos, at hindi tulad ng tao matapos ang lahat. Hindi Niya maaaring isabuhay ang buong buhay ng normal na tao, iyon ay, hindi Siya maaaring tumira sa mundo bilang isang taong hindi ordinaryo, dahil mayroon lamang Siyang napakaliit na bahagi ng normal na pagkatao ng mga ordinaryong tao para ipagpatuloy ang Kanyang buhay nang ganoon. Sa madaling salita, paano makakapagsimula ang Diyos ng pamilya, magkaroon ng karera, at magpapalaki ng mga anak sa mundo? Hindi ba ito magiging isang kahihiyan sa Kanya? Na pinagkakalooban Siya ng normal na pagkatao ay para lamang sa layunin na isakatuparan ang gawain sa isang normal na paraan, hindi upang pahintulutan Siyang magkaroon ng isang pamilya at karera tulad ng gagawin ng isang karaniwang tao. Ang Kanyang normal na katinuan, normal na pag-iisip, at ang normal na pagpapakain at damit ng Kanyang katawang-tao ay sapat upang patunayang mayroon Siyang normal na pagkatao; hindi na Niya kailangang magkaroon ng pamilya o karera upang patunayang Siya ay pinagkalooban ng normal na pagkatao. Ito ay ganap na hindi kinakailangan! Ang Diyos ay dumarating sa lupa, ibig sabihin ang Salita ay nagiging tao; pinahihintulutan lamang Niya ang tao na maintindihan ang Kanyang salita at makita ang Kanyang salita, iyon ay, pinapahintulutan ang tao na makita ang gawaing tinupad sa pamamagitan ng katawang-tao. Ang Kanyang layunin ay hindi para tratuhin ng mga tao ang Kanyang katawang-tao sa isang tiyak na paraan, kundi para lamang ang tao ay maging masunurin hanggang sa katapusan, iyon ay, upang sundin ang lahat ng salita na lumalabas mula sa Kanyang bibig, at para magpasakop sa lahat ng gawain na Kanyang ginagawa. Siya lamang ay gumagawa sa katawang-tao; hindi Siya sadyang humihingi sa tao na purihin ang kadakilaan at kabanalan ng Kanyang katawang-tao, kundi ipinapakita sa tao ang karunungan ng Kanyang gawain at lahat ng awtoridad na Kanyang hawak. Samakatuwid, kahit na Siya ay may katangi-tanging pagkatao, hindi Siya gumagawa ng mga anunsyo, at nakatuon lamang sa gawain na dapat Niyang gawin. Dapat ninyong malaman kung bakit ang Diyos ay naging tao at gayunman hindi inilalabas o pinatotohanan ang Kanyang normal na pagkatao, ngunit sa halip ay ipinapatupad lamang ang gawain na nais Niyang gawin. Kung gayon, lahat ng inyong makikita mula sa nagkatawang-taong Diyos ay kung ano ang Kanyang pagka-Diyos, ito ay dahil hindi Niya inihahayag kung ano ang Kanyang pagkatao upang tularan ng tao. Tanging kapag pinamumunuan ng tao ang tao saka siya nagsasalita tungkol sa kanyang pagkatao, upang maaaring makamit niya ang pamumuno sa iba sa pamamagitan ng pagpapakitang-gilas at pagkumbinsi sa kanila. Sa kabaligtaran, nilulupig ng Diyos ang tao sa pamamagitan lamang ng Kanyang gawain (iyon ay, gawaing hindi natatamo ng tao; walang pag-aalinlangan sa Kanyang pagiging hinahangaan ng tao, o ginagawa ang tao na sambahin Siya. Ang ginagawa lamang Niya ay ikintal sa tao ang damdamin ng paggalang sa Kanya o ang isang pagkaunawa sa Kanyang pagiging di-maarok. Hindi na kailangan ng Diyos na magpahanga sa tao; ang kailangan lang Niya ay ang gumalang ka sa Kanya kapag nasaksihan mo ang Kanyang disposisyon. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay sarili Niya; hindi ito maaaring gawin ng tao bilang kahalili Niya, ni hindi ito maisasakatuparan ng tao. Tanging ang Diyos Mismo ang makakagawa ng Kanyang sariling gawain at makapaghahatid sa isang bagong kapanahunan upang pangunahan ang tao sa bagong mga buhay. Ang gawain na Kanyang ginagawa ay upang magawang tanggapin ng tao ang isang bagong buhay at pumasok sa isang bagong kapanahunan. Ang lahat ng iba pang gawain ay ipinasa sa mga tao na mayroong normal na pagkatao at hinahangaan ng iba pa. Kung gayon, sa Kapanahunan ng Biyaya, tinapos Niya ang dalawang libong taon na gawain sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon sa Kanyang tatlumpu’t tatlong taon na nasa katawang-tao. Nang dumating ang Diyos sa lupa at ipinatutupad ang Kanyang gawain, palagi Niyang tinatapos ang dalawang libong taon na gawain o ang isang buong kapanahunan sa loob lamang ng pinakamaikling haba ng ilang taon. Hindi Siya nagsasayang ng oras, at hindi Siya nagpapaliban; pinaiikli lamang Niya ang gawain ng maraming taon upang ito ay matapos sa loob lamang ng ilang maigsing mga taon. Ito ay dahil sa ang gawain na Kanyang personal na ginagawa ay upang buksan lamang ang isang daan palabas at upang pangunahan ang bagong kapanahunan.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao



Pinagmumulan :    https://tl.kingdomsalvation.org/concerning-the-bible.html

0コメント

  • 1000 / 1000