Bakit napapababa sa relihiyon ang mga iglesia?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pag-uutos ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, ang mga nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. … Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at pamumuna ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang mga kinakailangan ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang nag-iisang bagay na nagtitipon sa kanila ay relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-esprituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya!
—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kung itinuturing ng mga tao ang katotohanan bilang doktrinang dapat panghawakan sa kanilang pananampalataya, sila ba ay malamang na mahulog sa relihiyosong seremonya? At ano ang kaibahan sa pagitan ng pagkapit sa ganitong uri ng relihiyosong seremonya at ng pananampalataya ng Kristiyanismo? Maaaring may mga pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong mga katuruan, at ang sinasabi ay maaaring higit na malalim at higit na maunlad, nguni’t kung ang mga katuruan ay walang iba kundi isang uri ng teorya at kung ang mga ito ay nagiging isang anyo lamang ng seremonya, ng doktrina para sa mga tao—at, gayundin, hindi nila nakakamtan ang katotohanan mula rito o nakakapasok sa realidad ng katotohanan, kung gayon hindi ba’t ang pananampalataya nila’y tulad lamang ng Kristiyanismo? Sa pinakadiwa, hindi ba ito Kristiyanismo? Kung gayon sa inyong pag-uugali at sa pagganap ng inyong tungkulin, sa aling mga bagay ninyo pinanghahawakan ang pareho o katulad na pananaw ng mga mananampalataya sa Kristiyanismo? Ang paghahabol sa paimbabaw na mabuting pag-uugali, sa gayon ginagawa mo ang sukdulan para lumikha ng pagkukunwari para sa inyong mga sarili gamit ang pagpapakita ng espirituwalidad; nagbabalatkayo bilang isang taong espirituwal; nagpapakita ng anyo ng espirituwalidad sa iyong sinasabi, ginagawa, at ipinahahayag; gumagawa ng ilang bagay na, sa pagkaunawa at guni-guni ng mga tao, ay kapuri-puri—lahat ito’y paghahabol sa huwad na espirituwalidad, at ito’y pagpapaimbabaw. Tumatayo kayo sa mataas na pananalita at teorya, nagsasabi sa mga taong gumawa ng mabubuti, maging mabubuting tao, at magtuon sa paghahabol sa katotohanan, nguni’t sa inyong sariling pag-uugali at sa pagganap ng inyong tungkulin, hindi ninyo kailanman nahahanap ang katotohanan, hindi kayo kailanman nakakakilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi ninyo kailanman nauunawaan kung ano ang binabanggit sa katotohanan, kung ano ang kalooban ng Diyos, kung ano ang mga pamantayang kinakailangan Niya sa tao—hindi ninyo kailanman sineseryoso ang anuman dito. Kapag nakakatagpo kayo ng ilang isyu, lubusan kayong kumikilos ayon sa inyong sariling kalooban at isinasantabi ang Diyos. Ang mga panlabas na pagkilos at panloob na kalagayan bang ito ay pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? Kung walang ugnayan sa pagitan ng pananampalataya ng mga tao at kanilang paghahabol sa katotohanan, kahit ilang taon pa silang naniniwala sa Diyos, hindi nila makakayang talagang matakot sa Diyos at layuan ang kasamaan. At kaya anong uri ng landas ang malalakaran ng mga taong ganyan? Paano nila sinasangkapan ang mga sarili nila sa araw-araw? Hindi ba’t ito’y sa mga salita at teorya? Hindi ba’t ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagsasandata sa mga sarili, binibihisan ang mga sarili ng mga salita at teorya, upang gawin ang mga sarili na mas tulad ng mga Fariseo, mas tulad ng mga tao na inaakalang naglilingkod sa Diyos? Ano ang lahat ng pagkilos na ito? Ang mga ito’y basta makakilos lamang; iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya at gumaganap ng mga relihiyosong rituwal, nagsisikap dayain ang Diyos upang makamit ang kanilang layong mapagpala. Hindi nila sinasamba ang Diyos kahit paano. Sa katapusan, hindi ba’t ang grupo ng mga taong ganyan ay magwawakas tulad lamang ng mga nasa loob ng iglesia na inaakalang naglilingkod sa Diyos, at inaakalang naniniwala at sumusunod sa Diyos?
—mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Ano ang tawag ng Diyos sa mga naniwala kay Jehova? Judaismo. Naging isang uri sila ng relihiyosong grupo. At paano naman tinatawag ng Diyos ang mga naniniwala kay Jesus? (Kristiyanismo.) Sa paningin ng Diyos, relihiyosong grupo ang Judaismo at Kristiyanismo. Bakit ganoon itinuturing ng Diyos ang mga ito? Sa lahat ng kasapi ng mga relihiyosong samahang ito na itinuturing na ganoon ng Diyos, mayroon bang kahit sino na natatakot sa Diyos at nilalayuan ang kasamaan, gumagawa ng kalooban ng Diyos, at sumusunod sa daan ng Diyos? (Wala.) Kaya nakikita ba ninyo, sa paningin ng Diyos, kung ang mga sumusunod sa Diyos sa pangalan lamang ay pawang mga taong kinikilala Niya bilang mga mananampalataya sa Diyos? Sa paningin ng Diyos, may ugnayan ba silang lahat sa Diyos? (Wala.) Maaari kayang lahat sila’y layon ng pagliligtas ng Diyos? (Hindi.) Kaya darating ba ang araw na kayo ay ibababa sa itinuturing ng Diyos na relihiyosong grupo? (Posible.) Ibaba sa isang relihiyosong grupo, parang mahirap paniwalaan. Kung mapabilang ang mga tao sa isang relihiyosong grupo sa paningin ng Diyos, ililigtas ba Niya sila? Kasama ba sila sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kaya pag-isipan ninyo at subuking ibuod: Ang mga taong ito na hindi kasama sa sambahayan ng Diyos, na naniniwala lamang sa tunay na Diyos sa pangalan ngunit pinaniniwalaan ng Diyos na kabahagi ng isang relihiyosong grupo—anong landas ang nilalakaran nila? Masasabi kaya na ang mga taong ito’y lumalakad sa landas ng pagwawagayway sa bandila ng pananampalataya nang hindi kailanman sinusunod ang daan Niya, ng pananalig sa Diyos ngunit hindi sumasamba sa Kanya kailanman, at sa halip ay tinatalikuran Siya? Ibig sabihin, lumalakad sila sa landas ng paniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod sa landas ng Diyos; ang kanilang landas ay yaong sila ay naniniwala sa Diyos ngunit sumasamba kay Satanas, sinasamba nila ang diyablo, sinisikap nilang isagawa ang kanilang sariling pamamahala, at sinusubukang itatag ang sarili nilang kaharian. Ito ba ang diwa nito? Ang mga tao bang tulad nito ay may anumang ugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao? (Wala.) Gaano man karami ang mga taong naniniwala sa Diyos, sa sandaling ang paniniwala nila’y itinuturing ng Diyos bilang relihiyon o grupo, kung gayon nalaman na ng Diyos na hindi sila maliligtas. Bakit Ko sinasabi ito? Sa isang pangkat o grupo ng mga taong walang gawain at paggabay ng Diyos at kahit paano’y hindi sumasamba sa Kanya, sinong sinasamba nila? Sino ang sinusunod nila? Sa anyo at sa pangalan, sinusunod nila ang isang tao, ngunit sino ba totoong sinusunod nila? Sa kanilang mga puso kinikilala nila ang Diyos, ngunit ang totoo, sila’y sumasailalim sa pagmamanipula, plano at pagkontrol ng tao. Sumusunod sila kay Satanas, ang diyablo; sumusunod sila sa mga puwersang lumalaban sa Diyos, na mga kaaway ng Diyos. Maililigtas ba ng Diyos ang kawan ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit? Nakakapagsisi ba sila? Hindi. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya, isinasagawa ang mga pakikipagsapalaran ng tao, pinatatakbo ang sarili nilang pamamahala, at sila’y sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang kanilang pangwakas na kalalabasan ay pagiging kinasusuklaman at itinatakwil ng Diyos; hindi posibleng mailigtas ng Diyos ang mga taong ito, hindi posibleng magsisi sila, nabihag na sila ni Satanas—sila’y lubusang nasa kamay ni Satanas. … Kaya para sa mga tao ng panahong ito, sino ang nakarinig sa maraming katotohanan, at nakaunawa sa kalooban ng Diyos, kung hindi nila kayang sumunod sa daan ng Diyos at hindi nila kayang lumakad sa landas ng kaligtasan, ano ang kanilang pangwakas na kalalabasan? Ang kanilang pangwakas na kalalabasan ay matutulad doon sa mga naniniwala sa Kristiyanismo at Judaismo; walang magiging pagkakaiba. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos! Hindi alintana kung gaano karaming sermon ang napakinggan mo na, at kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan mo na, kung sa kasukdulan sinusunod mo pa rin ang mga tao at sinusunod si Satanas, at sa kasukdulan, hindi mo pa rin kayang sumunod sa daan ng Diyos at hindi kayang matakot sa Diyos at layuan ang kasamaan, kung gayon ang mga taong tulad nito ay kasusuklaman at itatakwil ng Diyos. Sa tingin ng lahat, ang mga taong ito na kinasusuklaman at itinatakwil ng Diyos ay makakapagsalita ng marami tungkol sa mga titik at doktrina, naunawaan ang maraming katotohanan, subalit hindi nila kayang sumamba sa Diyos; hindi nila kayang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, at hindi nila kayang lubos na sundin ang Diyos. Sa paningin ng Diyos, itinuturing sila ng Diyos bilang isang relihiyon, bilang isa lamang grupo ng mga tao, isang barkada ng mga tao, at bilang isang bahay-tuluyan para kay Satanas. Sama-sama silang itinuturing bilang ang pangkat ni Satanas, at sila’y lubusang kinamumuhian ng Diyos.
—mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
————————————————
Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw - patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos upang makinig at pagnilayan ang mga salita ng Diyos araw-araw. Ang iyong espiritu ay makakakain at matutustusan, at ang iyong buhay ay patuloy na lalago.
————————————————
Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:
Ano ang ibig sabihin natin kapag pinag-usapan natin ang tungkol sa “pagsunod sa Diyos”? Pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagdanas sa gawain ng Diyos at pagtanggap sa katotohanan. Kung hindi ninyo tinatanggap ang katotohanan, kung hindi ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos, sa gayon ay hindi ninyo mararanasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, na nangangahulugang hindi ninyo sinusunod ang Diyos. Ano ang tinatawag natin sa mga hindi sumusunod sa Diyos ngunit naniniwala sa Diyos? Tinatawag natin silang mga relihiyosong mananampalataya. Hindi ba’t ito ang uri ng paniniwala ng mga taong naniniwala sa Diyos sa relihiyosong mundo? Naniniwala lamang sila sa Diyos na nasa langit, ngunit hindi sila sumusunod sa Diyos, hindi nila nararanasan ang gawain ng Diyos, kumakapit lang sila sa kanilang Biblia, kumakapit lang sila sa tinatawag nilang banal na kasulatan. Araw-araw, nagbabasa sila ng isang talata at nananalangin sa relihiyosong paraan, at doon lamang iyon nagtatapos. Wala itong kinalaman sa pansarili nilang buhay, sa paraan ng kanilang pamumuhay. Ginagawa lang nila ang anumang sa tingin nila ay dapat nilang gawin. Ito ang tinatawag bilang relihiyosong paniniwala. Hindi nila tinatanggap ang bagong gawain ng Diyos, ni nararanasan ang gawain ng Diyos. Kaya, ang kanilang pananampalataya ay naroon lamang upang punan ang kahungkagan sa kanilang espiritu, upang masiyahan ang kanilang naghihirap na mga puso, at upang makahanap ng ilang uri ng kabuhayan. Kaya ba ng mga taong may ganitong uri ng pananampalataya na magdala ng matunog, at magandang pagsaksi sa Diyos? Tiyak na hindi sila magpapatotoo, sapagkat hindi sila nagtutuon ng paggugol ng kanilang sarili para sa Diyos, ni pagbabayad ng halaga, ni pagsunod sa Diyos, ni buhay. Dahil dito, hindi sila sumasaksi. Kaya, tuwing sila ay inuusig, iilan lamang sa kanila ang kayang manindigan. Kapag nakataya ang kanilang buhay, tinatalikuran nilang lahat ang Diyos. Marahil ang iba sa inyo ay pabubulaanan ito, at sasabihin: “Sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi ba’t napakaraming martir?” Hindi iyon mali. Nagkaroon yaong mga martir ng gawain ng Banal na Espiritu, mga tagasunod din sila ng Diyos sa mga kapanahunang iyon. Ang kanilang paniniwala ay hindi relihiyosong paniniwala. Yaong mga nakaranas ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan ay mga taong sumunod sa Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Yaong mga nakaranas ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya ay mga taong sumunod sa Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Kaharian, tayong mga nakaranas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw ay mga tagasunod din ng Diyos. Subalit, ngayon na ang Diyos na nagkatawang tao ng mga huling araw na personal na ginagawa ang Kanyang gawain, ang mga mananampalataya na nasa Kapanahunan ng Biyaya pa rin at iyong mga nasa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi tinatanggap ang gawain ng Diyos ng mga huling araw o sumusunod kay Cristo ng mga huling araw, kaya’t ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay naging relihiyosong paniniwala.
—mula sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay
Una, dapat itong maintindihan kung paano nabuo ang mga relihiyosong grupo at ano ang kaibahan sa pagitan ng iglesia at relihiyon. Kailangang-kailangan na malinaw ang mga isyung ito. Posibleng makita ito mula sa Biblia na sa panahon ng bawat yugto ng gawain ng Diyos, ang mga piniling tao ng Diyos ay pinamunuan at pinatnubayan ng mga yaong personal na itinaas at itinalaga ng Diyos. Halimbawa, noong Kapanahunan ng Kautusan, ginamit ng Diyos si Moises para direktang pamunuan ang mga tao ng Israel, at ipinabuo Niya kay Moises ang sistema ng saserdote. Matapos makumpleto ang gawain ni Moises, wala nang mga tao sa mundo ang direktang itinalaga ng Diyos para pamunuan ang mga Israelita. Nagsimulang ihalal ng mga tao ang mga saserdote. Ito ang kasaysayan sa paglikha ng Judiong relihiyosong grupo. Simula noon, ang sistema ng saserdote ng Judaismo ay nabuo sa pamamagitan ng mga paghahalal mula sa mga relihiyosong grupo. Kadalasan, ang mga relihiyosong grupo ay unti-unting naging tiwali dahil maling mga saserdote ang nahalal. Noong ang nagkatawang-taong Panginoong Jesus ay nagpakita at ginawa ang gawain noong Kapanahunan ng Biyaya, ang mga relihiyosong grupo ay bumagsak hanggang sa pagtutol at pagkondena kay Cristo at naging kaaway ng Diyos. Ito ay katunayan na nasaksihan noon ng lahat. Noong dumating ang Panginoong Jesus sa mundo para sa Kanyang gawaing mapantubos, personal Niyang pinili ang labindalawang apostoles. Nagsimula na ring kumilos doon ang Banal na Espiritu, at kasama ng mga disipulo ng Panginoong Jesus. Sa mga panahong ito, ang pagpupulong ng mga nasa mundo na tinanggap ang gawain ng Panginoong Jesus ay tinawag na iglesia, at ito’y ganap na pinastulan ng mga tao na itinalaga ng Diyos, sa madaling salita, mga taong ginamit ng Banal na Espiritu. Sa panahong ito, nabuo ang tunay na iglesia, at ito ang pinagmulan ng iglesia. Mga tatlumpung taon matapos ang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ng Panginoong Jesus, karamihan sa labindalawang apostoles ay naging martir para sa pananampalataya, at ang iglesia sa mundo ay hindi na napastulan ng mga apostoles na direktang itinalaga ng Panginoong Jesus. Kaya, nagsimulang mabuo ang iba’t ibang uri ng mga relihiyosong grupo. Ito ang kasaysayan ng paglikha ng relihiyosong grupo noong Kapanahunan ng Biyaya. Pagkatapos, kahit pa mayroon o walang gawain ng Banal na Espiritu ang mga tao, maaari silang bumuo ng iglesia hangga’t kaya nilang ipaliwanang ang Biblia. Basta’t may mga iilang kaloob, may mga taong sumasang-ayon sa kanila at sumusunod sa kanila. Maaaring magtrabaho ang mga tao at mangaral kung gusto nila nang walang sinumang pipigil sa kanila, kaya nagsimulang mabuo ang iba’t ibang mga denominasyon. Ano ang iglesia, at ano ang relihiyon? Maaari nating sabihin na iyong mga pinamunuan at pinastulan ng mga taong ginamit ng Banal na Espiritu ay mga iglesia, at iyong mga pinastulan at pinamunuan ng mga tao na hindi ginamit ng Banal na Espiritu ay relihiyon. Ito ang pinakasimple, pinakatotoong dibisyon. Ang tunay na mga iglesia ay may gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga relihiyon napakadalang na mayroong gawain ng Banal na Espiritu. Kung mayroon man, ito’y nasa iilang mga tao na tunay na naniniwala sa Diyos at hinahanap ang katotohanan. Ito ang kaibahan ng iglesia at relihiyon. Para sa mga iglesia, napakahalaga kung ang mga pastol ba ay kinikilusan at ginagamit ng Banal na Espiritu. Kung ang pastol ay isang tao na naghahanap ng katotohanan at naglalakad sa tamang landas, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nandoon. Kung ang pastol ay hindi isang tao na naghahanap ng katotohanan at naglalakad sa landas ng mga Fariseo, ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala doon. Hangga’t nakikilala ng mga tao ang tunay at bulaang mga pastol, maaari silang makahanap ng tunay na iglesia.
—mula sa Ang Pagbabahagi mula sa Itaas
0コメント